Naglabas ng paanyaya si Manila Congressman Irwin Tieng sa mga residente ng District 5 na maari silang makakuha ng libreng serbisyo medikal sa pamamagitan ng kanyang lingguhang mobile clinic sa mga itinalagang health centers.
Ayon kay Tieng, kasama sa mga nasabing libreng serbisyo ang 2d Echo with Color Doppler, Electrocardiogram (ECG), Chest X-Ray, Ultrasound at maging mga gamot.
Napag-alaman na nito lamang February 9 at 10 ay libong residente ang nakinabang sa nasabing health services na ibinigay sa Intramuros Health Center sa Sta. Lucia St., Intramuros at sa Paco Health Center sa harap ng Manuel Roxas High School sa Canonigo corner Quirino Extension Highway, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Inihayag ni Tieng na sinumang nangangailangan ng mga nasabing uri ng serbisyo ay maari pa ring makakuha nito sa February 11 sa Icasiano Health Center sa Bagong Buhay Compound sa Pedro Gil Street at sa February 12 sa San Andres Health Center sa likod ng Puregold Singalong na matatagpuan naman sa kanto ng Osmena at Arellano Streets.
Ang naturang mga libreng serbisyo ay nakapaloob sa Karamay sa Inyong Tagumpay program ng tanggapan ni Tieng at ayon sa kanya, maging ang kanyang mga staff ay tumutulong din sa district health centers sa pamamahagi ng mga libreng gamot.
Ayon kay Tieng, apat na taon na niyang isinasagawa ang kanyang libreng mobile clinic program tuwing Lunes hanggang Huwebes.














