DILG SUPORTADO ANG YAKAP

By: JESSE RUIZ

Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpapalawak ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) sa mga paaralan at iba pang pasilidad na naglilingkod sa mga bata upang mas mailapit ang pangunahing pangangalagang pangkalusugan (*primary healthcare*) at mga kaugnay na serbisyo sa mga kabataan.


Ang pagpapalawak ay sakop ng isang bagong Joint Memorandum Circular (JMC) na nilagdaan ng DILG, Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), na nagpapatibay sa YAKAP School Health and Protection Program (YAKAP-SHP).

Nagtatatag ang JMC ng isang pangkalahatang balangkas ng pamahalaan (whole-of-government framework) para sa pagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, pagsusuri (screening), pangangalaga sa pag-unlad (developmental care), mga referral at mga serbisyong kabilang ang mga may kapansanan (disability-inclusive services) sa pamamagitan ng mga paaralan at iba pang pasilidad na naglilingkod sa mga bata.

Sakop ng patakaran ang mga pampubliko at pampribadong paaralan, Community Learning Centers (CLCs), Child Development Centers (CDCs), iba pang pasilidad ng Early Childhood Care and Development (ECCD) at Inclusive Learning Resource Centers (ILRCs).


Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga mag-aaral, mga tauhang nagtuturo at hindi nagtuturo (*teaching and non-teaching personnel*) at ang kanilang mga kwalipikadong nakadepende, mga kabataang hindi nag-aaral (*out-of-school youth*) sa mga natatanging kaso, mga bata sa mga CDC at pasilidad ng ECCD at mga mag-aaral na may kaunting pagkahuli sa pag-unlad (developmental delays) at kapansanan.

Ang seremonyal na paglagda ay pinangunahan nina DepEd Secretary Sonny Angara, DILG Secretary Jonvic Remulla, DOH Secretary Edwin Mercado at PhilHealth Acting President at CEO Beverly Ho.




“Ito ay mga positibong hakbang. Ito ay mabubuti at maliliit na hakbang na patungo sa malalaking tagumpay para sa ating mga anak,” sinabi ni Remulla sa ginanap na seremonyal na paglagda noong Martes sa Lungsod ng Makati.

Sa ilalim ng JMC, hihikayatin ng DILG ang partisipasyon at pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa pagpapatupad ng YAKAP-SHP, magbibigay ng gabay sa kanilang mga tungkulin at susuporta sa pagsubaybay at pagtatasa ng pagpapatupad ng LGU.


Isusulong din ng DILG ang pagpapatupad ng programa kasama ang mga lokal na mekanismo sa kalusugan, proteksyon ng bata, panlipunang proteksyon at iba pang mekanismong pangkaunlaran.

Sa antas ng komunidad, hinihikayat ang mga LGU na suportahan ang YAKAP-SHP sa pamamagitan ng mga umiiral na lokal na sistema sa kalusugan, kapakanan ng bata, edukasyon, rehabilitasyon, at iba pang kaugnay na sistema. Hinihimok din silang tiyakin ang access sa angkop na lokal na serbisyong pangkalusugan at suporta para sa mga benepisyaryong isinangguni sa pamamagitan ng programa at makipag-ugnayan sa mga klinik ng YAKAP, mga paaralan, mga pasilidad para sa bata, mga pasilidad ng DOH at iba pang tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan.



Tags: Department of the Interior and Local Government (DILG )

You May Also Like

Most Read