SINAMANTALA kahapon ni outgoing Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang isinagawang regular Monday flag raising ceremony para magpaalam sa bumubuo ng Philippine National Police kahapon sa Camp Rafael Crame, Quezon City.
Kasabay nito ang pagpapasalamat ni Sec Ano, sa hanay ng kapulisan sa patuloy na matapat na pagtupad nang kanilang tungkulin.
Nagbigay din ng tagubilin ang kalihim sa mga pulis na suportahan ang bagong administrasyon at patuloy na tupdin ang kanilang sinumpaang mandato at matapat na tuparin ang kanilang misyon nang may mataas na moral at kredibilidad.
Isinusulong din nito na higit pang paigtingin ng PNP ang kampanya kontra iligal na droga.
Kabilang sa mga pinasalamatan ni Año ang mga naging Chief PNP sa panahon ng Duterte administration na kanyang nakatrabaho, gaya nina Retired General at ngayoy Senador Ronald “Bato” dela Rosa, retired General Oscar Albayalde, Archie Gamboa, Camilo Cascolan, Debold Sinas, Guillermo Eleazar, Dionardo Carlos at ngayon ay PNP Officer-In-Charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr.
Si Año ay nakatakdang halinhan ni incoming SILG (Secretary of the Interior and Local Government) Benhur Abalos na itinalaga mismo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa posisyon. (VICTOR BALDEMOR)














