DILG SA LGUs: PAIGTINGIN MGA PROGRAMA UPANG LABANAN ANG GUTOM AT MALNUTRISYON SA MGA BATA

By: Jesse Ruiz

INATASAN kahapon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan (LGU) sa buong bansa na palakasin ang mga programa sa pagpapakain para sa mga batang kulang sa nutrisyon.

Binigyang-diin sa direktiba ng DILG ang pangangailangang matiyak na walang batang pagkakaitan ng wastong nutrisyon sa mahahalagang taon ng kanilang maagang paglaki at pag-unlad.


Sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 2026-053, hinimok ng DILG ang mga gobernador, alkalde ng mga lungsod at munisipalidad, mga punong barangay at mga lokal na opisyal na nangangasiwa sa nutrisyon na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng Supplementary Feeding Program (SFP), sa pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Alinsunod ang direktibang ito sa Republic Act No. 11037, o ang “Masustansiyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act,” na naglalayong tugunan ang malnutrisyon sa mga batang Pilipino sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na mga programang pang-nutrisyon.

Pinangungunahan ng DSWD ang SFP, na nagbibigay ng tulong sa pagkain sa mga batang edad dalawa hanggang limang taong gulang na naka-enrol sa mga Child Development Center (CDC) na pinangangasiwaan ng mga LGU. Karagdagang suporta ito sa mga umiiral na lokal na programa sa nutrisyon at naglalayong tugunan ang kakulangan sa nutrisyon sa mahahalagang yugto ng paglaki ng mga bata.


Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang mga bata ng masusustansiyang lutong pagkain, kasama ang sariwang gatas o mga produkton g pagkain na gawa sa sariwang gatas, sa loob ng mahigit dalawang buwan. Layunin nitong mapabuti ang kanilang nutrisyon habang nagbubukas din ng mga oportunidad para sa mga lokal na producer na magsuplay ng pagkain at mga produktong gatas para sa programa.

Bukod sa pagbibigay ng pagkain, binigyang-diin ng DILG na kailangang sumailalim ang mga batang kalahok sa pagtataas ng kanilang katayuan sa nutrisyon at sa mga kinakailangang serbisyong pangkalusugan.


Kabilang dito ang mga medikal na pagsusuri, pagpapainom ng gamot laban sa bulate, pagbabakuna at pagbibigay ng mga suplementong micronutrient. Isasagawa ang mga ito sa tulong ng kani-kanilang lokal na tanggapan ng kalusugan.

Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, masusing masusubaybayan ng mga LGU ang kalagayan sa nutrisyon ng mga bata, masusukat ang kanilang pag-unlad at matitiyak na ang mga batang dumaranas ng malnutrisyon ay makatatanggap ng angkop na tulong sa buong panahon ng programa.


Upang mapabilis ang pagpapatupad ng programa, inatasan din ng DILG ang mga LGU na palakasin ang koordinasyon sa mga Field Office ng DSWD at pabilisin ang pagsasagawa ng mga Memorandum of Agreement (MOA). Layunin nitong mapabilis ang paglilipat ng pondo at ang pagsasagawa ng mga aktibidad sa pagpapakain sa mga komunidad.

Binigyang-diin din ng kagawaran na kailangang ipagpatuloy ang mga programa sa pagpapakain kahit sa panahon ng mga kalamidad.

Sa mga komunidad na apektado ng sakuna, inatasan ang mga LGU na tiyakin ang paghahatid ng pagkain nang direkta sa mga tahanan ng mga bata o magbukas ng mga kusinang pangkomunidad upang patuloy silang makatanggap ng tulong sa pagkain sa kabila ng mga pagkaantala at suliraning dulot ng mga emergency.



Nakaayon ang direktiba sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na palakasin ang nutrisyon at pag-unlad ng mga bata sa kanilang maagang yugto ng buhay.

Sa pagdinig sa Senado hinggil sa badyet, nangako rin ang DILG na pabibilisin ang pagpapatupad ng Republic Act No. 12199, o ang Early Childhood Care and Development (ECCD) System Act sa pamamagitan ng paggamit ng mga pamantayang pagkaing handa nang kainin sa mga programa sa pagpapakain para sa mga batang limang taong gulang pababa.

Binigyang-diin ng DILG na nangangailangan ng tuloy-tuloy na koordinasyon sa pagitan ng mga pambansang ahensiya ng pamahalaan, mga LGU at mga komunidad ang pagtugon sa gutom at malnutrisyon ng mga bata. Mahalaga umano ang papel ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak na nakararating ang mga serbisyong pang-nutrisyon sa mga batang higit na nangangailangan nito.

Sa pamamagitan ng mas pinaigting na pagpapatupad ng mga programa sa lokal na antas at tuloy-tuloy na pagsubaybay, layunin ng kagawaran na makatulong na maiwasan ang pagkabansot ng mga bata dahil sa malnutrisyon (stunting), labanan ang kakulangan sa nutrisyon at mabigyan ang mga batang Pilipino ng mas malusog na simula sa buhay.

Tags: Department of the Interior and Local Government (DILG )

You May Also Like

Most Read