DILG AT PNP, DUMEPENSA SA ‘OVERKILL’ PNP OPERATION VS . PASTOR QUIBOLOY

By: Victor Baldemor Ruiz

DINEPENSAHAN ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at maging ang pamunuan ng Philippine National Police ang akusasyong ‘overkill’ diumano ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City.

Ayon kay Abalos, naghanda talaga ang Philippine National Police (PNP) dahil sa binitiwang salita noon ni Quiboloy na hindi siya magpapahuli nang buhay kasunod ng ulat na may mga mataas na kalibre ng baril sa kanyang pag iingat.

Paliwanag pa ng kalihim, may umiiral na batas sa bansa at mayroon ding ginagampanang tungkulin ang mga pulis na hanapin ang isang maimpluwensiyang pugante na gaya ni Pastor Quiboloy.


Aniya, ‘maximum tolerance’ pa nga ang mga pulis dahil kahit binomba sila ng tubig ay hindi nila ito tinapatan ng init ng ulo.

Tiniyak naman ni Abalos na kahit hindi nila naabutan si Quiboloy, mas higit silang nagpupursiging hanapin ito.

Tinayuan naman ng PNP ang kanilang pahayag na sinusunod nila ang legal security protocols nang isilbi ang arrest warrant laban kay KOJC leader Pastor Quiboloy at limang iba pa sa Davao city.

Sa isang statement, sinabi ng PNP na lehitimong law enforcement operation ang kanilang isinagawa na striktong alinsunod sa legal security protocols at may kaukulang paggalang sa lahat ng sangkot na partido.


Saad pa ng pambansang pulisya, kinikilala nito ang high-profile nature ng subject kaya’t tiniyak ng PNP ang presensiya ng sapat na bilang ng kapulisan sa kasagsagan ng operasyon para mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang hindi inaasahang mga insidente.

Umaapela naman ang PNP kay Pastor Quiboloy na nananatiling ‘at large’ na matiwasay na sumuko at harapin ang mga reklamo laban sa kaniya.

Ang pahayag na ito ng PNP ay kasunod ng mariing pagkondena ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y labis at ‘unnecessary force’ ng kapulisan sa pagsisilbi ng arrest warrant sa Pastor.

Si Quiboloy ay nahaharap sa mga reklamong child prostitution, sexual abuse at iba pang mga paglabag katulad ng pang-aabuso, cruelty o exploitation.


Tags: Pastor Apollo Quiboloy

You May Also Like

Most Read