BUKOD sa multi- million piso na matitipid ay mas mapapabilis pa ang crime solution sa Pilipinas ng inilunsad na digital booking system ng Philippine National Police.
Sa regular Monday press briefing ay ipinagmalaki ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang inilunsad na digital booking system o e-booking system.
Ang e-booking system ay isang programa na bunga ng pagsusumikap ng Directorate for Investigation and Detective Management kung saan sa pamamagitan nito ay mas magiging mabilis na ang booking process sa mga naarestong suspek.
Sinabi pa ni Gen Azurin na higit pang magiging episyente ang pangongolekta at cross-matching ng fingerprints sa pamamagitan ng Automated Fingerprints Identification System.
Bukod pa ito sa matitipid na malaking halaga sa pagbili ng papel na ginagamit sa booking process para sa mahigit 8,000 crime offenders sa buong Pilipinas araw-araw .
Dati umano ay mano-mano ang pangongolekta ng fingerprints kung saan ay gumagamit ng special na papel para dito.
Umaasa naman ang PNP na dahil sa e-booking ay tataas lalo ang crime solution efficiency ng PNP.
Samantala, pinasalamatan ni Azurin ang pamunuan ng SM Malls dahil sa pagpayag nito na magamit ang kanilang mga malls para sa libo-libong kumukuha ng police clearance sa halip na magpunta sa iba’t -ibang police stations sa bansa.
Sinasabing libre umano ang pagpapagamit ng SM sa kanilang mga pasilidad para sa police clearance application. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)