Latest News

DICT AT NTC, AAYUDA SA PNP KONTRA E-SABONG

TINIYAK ng Department of Information and Communications Technology (DICT) maging ng National Telecommunications Commission (NTC) na susuportahan nila ang Philippine National Police para wakasan ang E-sabong operation sa Bansa.

Kasunod ito nang ginawang pagdulog ng PNP sa dalawang ahensiya para supilin ang pamamayagpag na mga operator ng E-sabong batay na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na una nang nagpahayag ng pagtutol sa E-sabong operation.


Nangako ang DICT at NTC na handa nilang tapatan ang modern technology na ginagamit ng mga E-sabong operators .

Kaugnay nito, ibinigay ng PNP sa dalawang nabangit na ahensiya ang listahan ng mga e-sabong sites na kanilang namo-monitor upang agad itong ipasara.

Magugunita na maging si Pangulong Marcos ay naalarma na rito dahilan para maglabas ito ng Executive Order No. 9 na naglalayong ipatigil ang operasyon ng nabanggit na online game na maging ang mga bata ay kinalolokohan.


Sinasabing talamak na ang tumatangkilik sa E-sabong kahit sa hanay ng mga kabataan dahil cellphone lang ang gamit at hindi tulad sa regular na cockpit arena na hindi pinapapasok ang mga menor de edad.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, ngayong naisumite na nila ang listahan ng mga e-sabong sites ay ipinauubaya na nila ang pagmo-monitor dito sa DICT at NTC at pagkatapos ng imbestigasyon ay ang PNP naman ang magpapasara sa mga ito.


Pahayag pa ni Col Fajardo, bahagi ito ng pagtalima ng Pambansang Pulisya sa kautusan ni Pangulong Marcos Jr., na tuluyang maalis ang operasyon ng e-sabong sa bansa dahil marami sa ating mga kababayan ang nalululong dito.

Inihalimbawa pa ni Fajardo ang naging matagumpay na operasyon ng PNP sa Cebu kung saan nakakumpiska sila ng mga kagamitan at tuluyang nahinto ang operasyon doon ng e-sabong. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: Department of Information and Communications Technology (DICT) maging ng National Telecommunications Commission (NTC)

You May Also Like