Latest News

DESTAB VS. PBBM, ITINANGGI NG STORM

By: Victor Baldemor Ruiz

MARIING itinanggi ng grupong ‘September Twenty One Reform Movement (STORM)’ na may kinalaman ang kanilang hanay sa tangkang destabilisasyon laban sa pamahalaan ni Pangulong Marcos, Jr.

Sa ginanap na pulong-balitaan sa Pandesal Forum sa Quezon City ay itinanggi ng mga retired military personnel na kasapi din ng grupong STORM na bahagi sila ng pagpaplano ng destabilisasyon laban sa Marcos, Jr administration.

Sinabi ni STORM Convenor at Philippine Military Academy Alumnus Bob Yap, kailanman ay hindi sila nakikisali sa anumang usapin para pabagsakin ang kasalukuyang pamahalaan.


Sa halip ay inihayag nito na bahagi sila ng panawagan para sa isang makatotohanan at Reporma sa Halalan, dahil naniniwala sila na karapatan ng bawat Pilipino na malaman kung may katotohanan ang mga alegasyon ng dayaan sa halalan.

Magugunitang isinusulong ng ilang retiradong military officers ang tuluyang pag-ban sa Smartmatic para sumali pa sa mga gaganaping computerized election sa bansa, at higit sa lahat ay sagutin nito ang akusasyon hinggil sa mga kontrobersyal na transmission receipt noong nakaraang general elections base sa inihaing petition ni former Communications Technology Secretary Eliseo Rio.


Nabatid na humihingi ng paliwanag ang grupo hinggil sa umano’y kuwestiyonableng pagdagsa ng mahigit 20 million boto sa loob lamang ng unang oras ng bilangan at maging ang umano;y imposible o kuwestyunableng 68:32 presidential trend mula sa simula hanggang sa matapos ang bilangan .

Maging ang malaking boto ng Vice President sa President kung saan nalagpasan pa nilang dalawa ang boto ng mga nangungunang senatorial winners.


Para naman kay dating LTO chief Retired Col. Mariano Santiago, hinihingi ng kanilang grupo na i-disqualify ang Smartmatic sa mga susunod na electoral process base sa mga anomalyang kinasangkutan ng kanilang system mula pa nuong 2010 election o limang halalan hanggang nitong 2022.

Ang grupong STORM ay binubuo ng mga military at civilian sectors tulad ng Alumni ng Philippine Military Academy, UP Vanguard at Civil Society Organization.

Samantala, mismong si Senator Imee Marcos ang nagkumpirma na walang namumuong destabilisasyon o planong pagpapatalsik laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos, Jr.

Giit ni Sen. Marcos, wala siyang naririnig na may lumulutang na kudeta laban sa kanyang kapatid at katunayan pa nga rito ay miyembro siya ng group chat ng mga retired general ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Aniya pa, may mga suhestiyon ang mga retired generals sa pamahalaan at ito ay kinikilala naman ng kanyang kapatid na Pangulo.

Tags: 'September Twenty One Reform Movement (STORM)'

You May Also Like

Most Read