ITINURO ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang Muntinlupa Regional Trial Court na siyang may solong awtoridad na para magbaba ng desisyon sa kaso sa iligal na droga na kinakaharap ni dating Senador Leila de Lima.
Ito ay bilang tugon sa inihain na resolusyon nina Senador Koko Pimentel at Risa Hontiveros na humihikayat sa DOJ na iatras ang isinampang kaso nila laban kay De Lima makaraan ang pag-atras ng testimonya ng mga pangunahing testigo sa mga drug cases at palayain na siya sa pagkakakulong.
Sinabi ni Remulla na ang Muntinlupa RTC na ang may “sole power and authority” sa nakabinbin na kaso dahil ang usapin ay bumabagsak sa hurisdiksyon ng mababang korte.
Base rin umano sa rekord, hindi naman naiprisinta ng panig ng depensa bilang kanilang testigo sa korte si dating Bureau of Corrections Officer-in-Charge Rafael Ragos na iniatras ang kaniyang testimonya laban kay De Lima.
Sa kaniyang affidavit, itinanggi ni Ragos ang nauna niyang testimonya na nag-deliber siya ng pera sa mambabatas. Nagawa lamang umano niya ito nang pilitin isya na mag-imbento ng alegasyon laban kay De Lima.
Dating kasama si Ragos bilang co-accused sa tatlong kaso kasama si De Lima, ngunit inilaglag siya sa mga ito makaraang magbigay siya ng dagdag na sinumpaang-salaysay ukol sa pagdeliber ng pera sa mambabatas noong 2012.
Una nang sinabi ng noo’y si Justice Secretary Menardo Guevarra na nire-rebyu nila ng inihain nilang kaso makaraan ang pag-atras ng mga testigo nila kabilang ang umamin na drug lord na si Kerwin Espinosa at tsuper ni De Lima na si Ronnie Dayan.
Sa tatlong kaso sa iligal na droga na kinahaharap ni De Lima, isa na ang nadismis noong Pebrero 2021. (Jaymel Manuel)














