Itinakda na ng Department of Education (DepEd) sa Mayo 31, 2024 ang pagtatapos ng School Year 2023-2024.
Ayon sa DepEd, mas maagang magtatapos ang kasalukuyang school year bilang paghahanda sa unti-unting pagbabalik sa lumang school calendar, kung saan ang summer vacation ay isinasagawa tuwing buwan ng Abril at Mayo.
Alinsunod sa Department Order 003 na may petsang Pebrero 19, 2024, at nilagdaan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, nabatid na ang end-of-school year (EOSY) para sa SY 2023-2024 ay sa Mayo 31, 2024 na.
Pahayag pa ng DepEd, ang School Awards Committee ay dapat na magsagawa na ng deliberasyon sa mga parangal at rekognisyon na ipagkakaloob sa mga estudyante, nang hindi lalampas sa tatlong calendar days bago ang EOSY rites para sa mga mag-aaral na tatanggap ng recognition at awards at mga mag-aaral na kandidato para sa graduation o pagtatapos.
Itinakda rin naman ng DepEd ang EOSY break mula Hunyo 1 hanggang Hulyo 26, 2024.
Ayon sa DepEd, ang quarterly examination naman ay dapat na isagawa sa Marso 25-26, 2024, para sa Academic Quarter 3 at Mayo 16 at 17, 2024 naman para sa Academic Quarter 4.
Ang EOSY rites naman ay idaraos mula Mayo 29hanggang 31, 2024.
Gayunman, sa ilalim ng exceptional circumstances, ang mga paaralan ay maaari umanong magdaos ng EOSY rites sa Hunyo 1, 2024, ngunit matapos lamang ang konsultasyon sa mga guro at mga magulang.
Samantala, ang SY 2024-2025 naman ay nakatakdang magsimula sa Hulyo 29, 2024 at magtatapos sa Mayo 16, 2025, habang ang Brigada Eskwela naman ay idaraos mula Hulyo 22 hanggang Hulyo 27, 2024.
Una nang sinabi ni DepEd spokesperson Undersecretary Michael Poa na maaaring abutin ng hanggang tatlong taon bago maibalik sa Abril at Mayo ang summer vacation ng mga mag-aaral.
Matatandaang nabago ang panahon ng pasukan at bakasyon ng mga mag-aaral sa bansa, bunsod na rin nang pananalasa ng COVID-19 pandemic noong 2020.