Nagpasya ang Department of Education (DepEd) na palawigin pa hanggang sa susunod na linggo ang deadline para sa public review ng mga curriculum documents o draft revised curriculum para sa kanilang Kindergarten to Grade 10 o K-10 program.
Sa isang abiso, sinabi ng DepEd na ito ay bilang bahagi na rin ng kanilang commitment na nakasaad sa kanilang isinusulong na MATATAG Agenda.
“As part of DepEd’s commitment articulated in the MATATAG Agenda, DepEd announces the extension of the public review of curriculum documents until May 13, 2023,” anunsiyo pa ng DepEd.
Ayon sa DepEd, layunin ng ekstensiyon na mabigyan pa ng sapat na panahon ang mga interesadong stakeholders na magbigay ng kanilang feedback sa shaping papers at draft curriculum guides para sa Language and Literacy at Reading learning areas.
Kasabay nito, nagpaabot rin ang DepEd ng pasasalamat sa may 4,843 respondents na binubuo ng may 4,499 indibidwal at 344 organisasyon, kabilang na ang mga samahan ng mga estudyante, magulang at mga guro; mga professional associations; government agencies; private schools associations; higher education institutions; at non-governmental organizations, dahil sa pakikilahok ng mga ito sa isinasagawa nilang public review ng Shaping Papers at sa revised Curriculum Guides para sa K-10.
Anang DepEd, ang Shaping Papers at draft revised Curriculum Guides para sa rebyu ay maaaring ma- accessed sa pamamagitan ng link na https://bit.ly/CGandShapingPaperPublicReview .
Dagdag pa nito, maaaring isumite ng mga interesadong stakeholders ang kanilang feedback sa pamamagitan nang pag-accomplish ng isang online survey form, na maaaring i-accessed sa Review of the Revised Curriculum for Kindergarten to Grade 10.
Para naman sa karagdagang impormasyon hinggil sa naturang review process, maaari anilang kontakin ang Bureau of Curriculum Development sa kanilang email na [email protected] at sa numero ng telepono na (02) 633-7267.