DepEd official: May sapat na public schools para sa 17,700 displaced SHS learners mula sa SUCs at LUCs

By: Baby Cuevas

Tiniyak kahapon ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na mayroong sapat na mga pampublikong paaralan upang malipatan ng may 17,700 na incoming Grade 12 learners na madi-displaced dahil sa pagtitigil na ng senior high school (SHS) program sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at mga Local Universities and Colleges (SUCs).

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Francis Bringas, nakipag-ugnayan na sila sa lahat ng regional offices at mga Schools Division Offices (SDOs) sa bansa kung saan mayroong enrollees sa mga local universities.

Tiniyak naman aniya ng mga ito sa kanila na maaaring i-accommodate ng mga public schools ang mga naturang displaced SHS students.


“Yes, kakayanin naman ‘no. Nakipag-ugnayan na tayo sa lahat ng mga regional offices and SDOs (Schools Division Office) kung saan meron tayong enrollees sa mga local universities at nakikita natin nga sa Grade 11 natin, out of the 17,700, nasa average na 250 learners per division ang nakikita nating ia-accommodate sa mga division offices na public schools,” pahayag pa ni Bringas, sa panayam sa programa sa telebisyon.

Matatandaang naglabas ng memorandum ang Commission on Higher Education (CHED) na ititigil na ang SHS program sa mga SUCs at LUCs bunsod nang kawalan na ng legal na basehan para dito.


Ayon kay CHED chairman Prospero de Vera III, naglabas na rin ng notice ang DepEd na wala nang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GATSPE) beneficiaries mula sa SUCs at LUCs, maliban na lamang sa mga papasok sa Grade 12.

Una na rin namang sinabi ni DepEd Undersecretary at Spokesperson Michael Poa na ang mga SHS students na maaapektuhan nang pagtitigil ng SHS program sa mga SUCs at LUCs ay maaaring mag-enroll sa mga public schools o di kaya ay mag-enroll sa pribadong paaralan at mag-avail ng voucher program.


Tags: Department of Education (DepEd)

You May Also Like

Most Read