Binalaan ng Department of Education (DepEd) ang publiko hinggil sa isang pekeng DepEd memorandum na kumakalat ngayon online.
Anang DepEd, may kinalaman ang naturang pekeng memo sa umano’y ‘2-week rest days’ na ipagkakaloob sa mga guro, para sa pagdiriwang ng ‘Teachers’ Day Month.’
“The Department of Education (deped) warns the public about a FAKE memorandum on ‘deped Memo re: Two Weeks of Rest Days in Celebration of Teachers’ Day Month’ circulating online,” abiso ng DepEd nitong Huwebes.
Nabatid na ang naturang pekeng memo ay may petsang Setyembre 8, 2023 at nakasaad dito na ang mga guro ay pagkakalooban ng dalawang linggong araw ng pahinga bilang bahagi ng pagdiriwang sa Teachers’ Day Month at pagkilala sa papel ng mga guro sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.
Nakasaad pa sa naturang pekeng memo na, “During this period, teachers are encouraged to take a break from their regular duties and focus on self-care and personal being. School administrators are kindly requested to ensure that teachers are not burdened with additional work during this time.”
Kaugnay nito, sinabi ng DepEd na inatasan na nila ang mga otoridad upang imbestigahan ang pinagmulan ng naturang pekeng memorandum na malisyosong gumamit pa ng issuance template ng ahensiya.
Pinaalalahanan rin ng DepEd ang lahat na manatiling vigilante laban sa anumang uri ng misinformation.
Para anila sa mga opisyal na anunsiyo at impormasyon mula sa DepEd, maaring bisitahin ang mga sumusunod na platforms: Facebook: fb.com/deparmentofeducation.PH; Twitter: twitter.com/deped_PH; Instagram: instagram.com/depedphilippines; at Website: www.deped.gov.ph.
Umapela rin ang ahensiya sa publiko na kaagad na isumbong ang anumang mapanlinlang o kahina-hinalang impormasyong hinggil sa basic education sa depedactioncenter@deped.gov.ph upang kaagad itong maaksiyunan.
Ang National Teachers’ Month ay sinimulan nitong Setyembre 5, 2023 at magtatagal hanggang sa Oktubre 5, 2023, na deklaradong bilang World Teachers’ Day.














