Latest News

DepEd, hindi tutol sa taas-sahod ng mga guro

By: Baby Cuevas

Nilinaw kahapon ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na hindi sila tutol sa panukalang taas-sahod sa mga public school teachers.

Ayon kay DepEd deputy spokesperson Francis Bringas, ang nais lamang nila ay matiyak na tama ang halaga na ibibigay sa mga ito.

Sinabi ni Bringas na sa ngayon ay hinihintay nila ang isang pag-aaral na isinasagawa ng World Bank upang makita ang tamang halaga ng pay hike para sa mga guro.

Ipinaliwanag niya na kailangan ng DepEd ang naturang impormasyon upang maiaplay ang naturang salary hike nang hindi naaapektuhan ang kanilang staffing pattern.

“Hindi naman tayo nag-o-oppose na magkaroon ng increase sa salary, it’s just that ano ‘yung appropriate amount na i-increase natin considering na meron tayong DBM (Department of Budget and Management) that determines our fiscal pay, and considering na napakalaki ng bureaucracy ng department,” sinabi ni Bringas, sa panayam sa Radyo 630.

Dagdag pa ni Bringas, “Kaya iyan ‘yung kailangan natin tingnan kung hindi ba madi-disrupt ang ating staffing pattern kapag nagkaroon tayo ng ganiyang increase, so we have to look at it in an objective manner.”

Nauna rito, isang panukala ang inihain sa House of Representatives na naglalayong gawing P50,000 minimum monthly salary ng mga guro.

Siniguro rin naman ni Bringas sa mga public school teachers na patuloy nilang isusulong ang pagbibigay ng karagdagang mga benepisyo para sa kanila.

Nakapagsumite na rin umano sila ng position paper bilang suporta sa mga panukalang madagdagan ang sweldo ng mga ito.

Tags:

You May Also Like

Most Read