Inamin ni Department of Education (DepEd) Spokesperson Michal Poa nitong Sabado na mayroong kakulangan ng mga guidance counselors sa mga paaralan sa bansa at nangakong kaagad nilang aayusin ang naturang problema.
Ayon kay Poa, nahihirapan silang kumuha ng mga guidance counselors, na siya sanang tutugon sa psychosocial needs ng mga estudyante, dahil na rin sa mababang suweldo at kawalan ng career progression.
“Nahihirapan tayo mag provide ng guidance counselors sa lahat ng paaralan dahil sa salary grade ng guidance counselors,” paliwanag pa ni Poa, sa panayam sa radyo at telebisyon nitong Sabado.
“Parang wala silang career progression sa ngayon,” aniya pa. “Ang teachers, meron po ‘yang teacher 1, teacher 2, teacher 3. Pero pagdating ng sa counselors nakikita natin ‘yung kawalan ng ganoong progression and that is something we like to work on.”
Nangako naman si Poa na kaagad itong sosolusyunan ng DepEd dahil makatutulong aniya ang mga guidance counselors upang matugunan ang mental health needs ng mga mag-aaral.
Tiniyak rin ni Poa na magbibigay rin ng pahayag hinggil sa isyu si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte sa Lunes, Enero 30, sa kanyang basic education report.
“Ayoko muna i-preempt but that is something the Vice President would like to address sa kanyang basic education report this Monday,” dagdag pa ni Poa.
Matatandaang nitong mga nakalipas na araw ay nagkaroon ng mga karahasan sa ilang paaralan sa bansa.
Kabilang na dito ang naganap sa Culiat High School sa Quezon City, kung saan isang 13-anyos na estudyante ang sinaksak at napatay ng kanyang 15-anyos na kaklase sa loob mismo ng kanilang paaralan.
Una naman nang sinabi ni Poa na ang naturang mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga menor de edad na estudyante ay maaaring hindi lang isyung pang-seguridad kundi may kinalaman din sa mental health issues. (Jaymel Manuel)