Latest News

DepEd: 28.8M enrollees na target, kaya pang maabot

By: Jaymel Manuel

Tiwala ang Department of Education (DepEd) na makakaya pa nilang maabot ang target na 28.8 milyong enrollees para sa School Year 2023-2024.

Ayon kay DepEd Deputy Spokesperson at Assistant Secretary Francis Bringas, hanggang sa katapusan ng Setyembre ay tatanggap pa ang mga paaralan ng mga late enrollees upang mabigyan pa ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makapagpatala sa eskwela.

Paniniguro pa ni Bringas, walang estudyante na nais mag-aral ang tatanggihang i-enroll ng mga paaralan.

“Yes, we are on course naman. We will be looking at a final number considering the variance between Grade 12 who graduated and incoming Kindergarten, among others,” ayon kay Bringas, sa isang Viber message.

Base sa datos mula sa Learner Information System (LIS) ng DepEd, nabatid na hanggang alas-9:00 ng umaga ng Setyembre 6, 2023 ay nasa kabuuang 25,890,617 estudyante na ang nakapagpatala para sa SY 2023-2024.

Kasama sa naturang bilang ang mga estudyanteng nagpa-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan, State Universities and Colleges (SUCs), at Local Universities and Colleges (LUCs).

Nabatid na pinakamarami pa ring enrollees ang Region 4A (Calabarzon) na umabot sa 3,821,034; sumunod ang Region 3 (Central Luzon) na may 2,817,827 enrollees at National Capital Region (NCR) na may 2,675,386.

Samantala, ang Cordillera Administrative Region (CAR) naman ang nakapagtala ng pinakamababang bilang ng enrollees na nasa 406,815.

Ang pasukan para sa SY 2023-2024 ay pormal nang nagsimula noong Agosto 29, 2023.

Tags:

You May Also Like

Most Read