PAGNANAKAW ang isa sa mga pangunahing motibong tinututukan ng Calapan City Police Office matapos na madiskubre ang bangkay ng isang dentistA na kasalukuyan ding nanunungkulan bilang barangay kagawad sa kanilang lugar sa Calapan city Oriental Mindoro.
Nabulaga ang mga kapitbahay ni Dr. Augustine Bolor, Jr. o kilala bilang “Doc Teng” nang madiskubre ang bangkay nito kahapon ng umaga sa loob ng kanyang bahay sa Barangay San Vicente Central .
Ayon kay Lt. Col. Danilo Driz, hepe ng Calapan police, nadiskubre bandang alas-8:30 ng umaga ang bangkay ng biktima na may mga saksak.
Malaki umano ang posibilidad na pagnanakaw ang motibo sa krimen, dahil kilalang mayaman ang nasabing dentista.
Sinasabing minsan na umanong nag-viral ang biktima sa social media dahil sa pag-‘flex’ nito ng napakaraming suot na alahas.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives at Calapan police sa pinangyarihan ng krimen, habang inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng responsable sa krimen.