LUMAGPAS na sa “epidemic threshold” ang mga kaso ng dengue sa tatlong probinsya sa Region 2 na nagresulta na sa pagkasawi ng walong pasyente mula nitong Enero, ayon sa Department of Health (DOH).
Kabilang sa mga lalawigan na malala ang kaso ng dengue ang Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya. Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nangangahulugan ito na nahigitan na ng kasalukuyang mga buwan ang bilang ng kaso ng dengue na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sa Cagayan Valley Medical Center lamang, nakapagtala nitong Mayo ng 46 na pasyente na may dengue habang ngayong Hunyo ay nasa 19 na ang nakaratay.
Kinalampag na umano nila ngayon ang mga lokal na pamahalaan, at kanilang regional offices para gumawa ang agarang aksyon laban sa dengue. Nagdagdag na rin umano ng pondo sa mga lokal na awtoridad ukol dito.
Kabilang sa mga aksyon na ginawa ay ang pagtatalaga ng mga ‘dengue brigades’, pagpapatupad ng ‘fast lane’ para sa mga pasyente na may dengue sa mga pagamutan.
Kailangan rin umanong sundin ang 4S strategy o ang “search and destroy breeding places, secure self-protection, seek early consultation at support fogging/spraying” sa mga lugar na mataas ang kaso.
Bukod pa sa Cagayan, tumataas rin ang mga kaso ng dengue sa iba pang rehiyon sa bansa tulad ng sa Central Visayas. Nakapagtala na ang rehiyon ng 4,623 kaso ng dengue kung saan 38 pasyente na ang nasawi mula Enero 1 hanggang Mayo 28.
Sinabi ni Dr. Ronald Jarvik Buscato, DOH-7 dengue prevention and control program head, na mas mataas na ang naturang bilang ng 421% kumpara sa naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon. (Arsenio Tan)














