TUMAAS na rin ang mga kaso ng dengue sa Metro Manila na isa pang panibagong banta sa kalusugan sa rehiyon bukod sa COVID-19, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na umabot na sa 3,408 ang naitalang kaso mula Enero hanggang Mayo ngayong taon sa National Capital Region.
Una namang nakapagtala ng mga matataas na kaso ng naturang sakit sa iba’t ibang bahagi ng bansa bago ang Kamaynilaan.
“13 out of 17 regions in the country mayroon pong pagtaas ng kaso kung ikukumpara natin from the same time period last year. Ang nakikita natin medyo mabilis ang pagtaas ng kaso ng dengue would be in Region 7, Region 3 and Region 6,” saad ni Vergeire.
Sa kaniyang ulat, umabot na sa 314 ang mga kaso ng dengue sa Region II (Cagayan Valley) mula Enero hanggang Hunyo. Nasa 186 sa kabuuang bilang ang tinamaan na may edad isa hanggang 18, habang tatlo na kabilang ang isang bata ang nasawi sa rehiyon.
Sa Cebu City, umabot sa 1,254 ang bilang ng mga kaso, kung saan 16 na ang patay at karamihan sa mga nasawi ay mga bata.
Sa Isabela, nasa 1,149 ang naitalang dengue cases mula Enero hanggang Mayo. Sa Zamboanga City, 315 ang kaso at sa bilang na ito, 284 ang mga menor de edad. (Arsenio Tan)














