DENGUE CASES, TATAAS PA DAHIL SA MGA BAGYO

By: Philip Reyes

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na inaasahang tataas ang mga kaso ng dengue sa mga susunod na araw bunsod ng anim na sunod -sunod na bagyong tumama sa Pilipinas.

Ito, ayon sa DOH, ay dahil sa dadami rin ang mga pinamumugaran ng lamok kaya inatasan ng DOH ang publiko na linisin ang mga lugar na naipunan ng tubig.

Pinayuhan rin ng DOH ang publiko na magpa- konsulta nang maaga kapag may sintomas ng dengue, lalo na sa mga rehiyong apektado ng mga bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel at Pepito.


Batay sa datos ng Nobyembre 16, 2024, pababa ang bilang ng mga bagong kaso ng dengue. Nasa 17,033 na kaso ang naitala mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 2, 2024 na 17% na mas mababa, kumpara sa 20,498 na kaso mula Oktubre 6 hanggang 19, 2024.

Sa nakalipas na anim na linggo, walang naiulat na pagtaas sa mga bagong kaso ng dengue sa mga rehiyon.


Gayunman, tuloy-tuloy ang pagkalap ng datos at kinukunsiderang may mga karagdagan pa sa mga darating na linggo. Tinitignan din ang mga datos na konektado sa mga epekto ng bagyo na maaaring hindi pa naitala.

Samantala,nasa 340,860 na kaso ng dengue ang naitala sa simula ng taong 2024 hanggang Nobyembre 16, 2024. Ito ay mas mataas ng 81% kumpara sa 188,574 na kaso na naiulat sa parehong panahon noong 2023.


May kabuuang 881 ang namatay, na may Case Fatality Rate (CFR) na 0.26% kumpara sa CFR na 0.34% noong 2023.

Ayon sa DOH, ang patuloy na mas mababang CFR sa kabila ng mas maraming bagong kaso ngayong taon ay dulot ng mas maagap na screening, testing at tamang gamutan.

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read