DENGUE CASES, BUMABA NG 7 PERCENT

By: Philip Reyes

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na bumaba ang nakakapagtala na sila nang pagbaba ng kaso ng dengue sa bansa.

Batay sa datos na inilabas ng DOH, nabatid na mula Enero 26 hanggang Pebrero 8, 2025 ay nakapagtala lamang sila ng 14,460 kaso. Ito ay 7% na mas mababa kumpara sa naitalang 15,550 kaso mula Enero 15 hanggang 25.

Sa kabila nito, sinabi ng DOH na sa kabuuan ay mas mataas pa rin ng 64% ang naitalang kaso ngayong taon kumpara noong 2024.


Umabot sa 52,008 ang kabuuang bilang ng dengue cases mula Enero 1 hanggang Pebrero 22, 2025.

Pinakamataas pa rin ang mga kaso sa rehiyon ng CALABARZON na nakapagtala ng 10,759 kaso, National Capital Region na may 9,302 kaso, at Gitnang Luzon na may 8,652 kaso naman.


Samantala, ayon sa DOH, ang dami ng mga naitalang namatay hango sa mga nagkasakit ay tinatayang 0.36% ngayong taon.

Ito anila ay mas mababa kumpara sa 0.43% noong nakaraang taon.


Isa sa nakikitang dahilan ng DOH sa pagbaba ng bilang ng mga namamatay sa dengue ay ang maagang pagpapatingin at mabilis na pagresponde sa pangangailangan ng pasyente para hindi na lumala pa ang kaso.

Mga batang edad 14 pababa ang bumubuo sa 56% ng kabuuang bilang ng mga kaso ng dengue hanggang February 22, 2025.

Kaugnay nito, hinikayat ng DOH ang lahat na patuloy na magsuot ng mga damit na may mahahabang manggas at pantalon, gumamit ng insect repellants, matulog sa loob ng kulambo habang natutulog, at umiwas sa mga lugar na maraming lamok.

Para patuloy na mapababa ang bilang ng mga naitatalang kaso, nanawagan rin ang DOH at mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang “Taob, Taktak, Tuyo, Takip” na bahagi ng kampanyang “Alas Kwatro Kontra Mosquito” na naglalayong linisin ang mga daluyan o imbakan ng tubig na maaaring pangitlugan ng lamok.

“Huwag tayong maging kampante sa panganib ng dengue na dala ng lamok na Aedes. Karamihan sa mga naitalang kaso ng dengue ay nagpakita ng mga sintomas tulad ng mataas na lagnat, pagpapantal, pananakit ng katawan, pagsusuka, at pananakit sa likod ng mata. Kaya naman, inaanyayahan ko ang lahat na agad na magpakonsulta kung makaramdam ng mga sintomas na ito. Upang masiguro ang sapat na atensyong medikal sa mga pasyenteng may dengue, bukas na rin ang mga dengue fast lanes sa mga ospital ng DOH,” ani Health Secretary Teodoro J. Herbosa.

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read