Latest News

Dengue at Leptospirosis, mas deadly, kaysa COVID-19 — DOH

By: Philip Reyes

Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko nitong Linggo na maging maingat laban sa mga sakit na dengue at leptospirosis, dahil mas deadly o mas nakamamatay pa ang mga ito kumpara sa COVID-19.

Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, mas mababa ang tinamaan ng COVID-19, gayundin ang mga naoospital at namamatay sa naturang sakit kumpara sa dengue at leptospirosis.

Batay sa datos ng DOH, mula Enero hanggang Hulyo 22, 2023 lamang ay nakapagtala na ng higit 85,000 kaso ng dengue sa buong bansa. Sa naturang bilang, nasa 299 ang iniulat na nasawi o may fatality rate na 0.37%.


Samantala, nakapagtala rin ang DOH ng 2,079 leptospirosis cases mula Enero hanggang Hulyo 15, 2023 lamang at 225 sa mga ito ang sinawimpalad na bawian ng buhay.

Sa kaso naman ng COVID-19, karaniwan na aniyang nasa isa o dalawa lamang ang pasyente ng COVID-19 ang nadadala sa mga pagamutan, at karaniwan ding may edad at comorbidity ang mga ito.


Sa datos, nabatid na hanggang nitong Agosto 4, mayroon na lamang 3,832 aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa makaraang madagdagan ng 154 bagong kaso.

Apat naman ang naitalang nasawi sa nasabing petsa, kaya’t umabot na sa kabuuang 66,626 ang total COVID-19 deaths sa bansa, simula nang mag-umpisa ang pandemya.


“‘Yung COVID-19… para na siyang isa sa mga sakit natin. At mas nakamamatay pa ang dengue tsaka [leptospirosis tsaka tuberculosis],” pahayag pa ni Herbosa.

Sa kabila naman nito, tiniyak niya na patuloy ang isinasagawang surveillance ng DOH sa COVID-19 bunsod ng posibilidad na magdulot pa rin ito ng outbreak.

Pinayuhan rin niya ang publiko na magpaturok na ng bivalent vaccine upang higit silang maproteksiyunan laban sa virus.

Kahit wala naman nang umiiral na health protocols, mas maigi pa rin aniya kung patuloy na magsuot ng face masks at umiwas sa matataong lugar.

Sinabi rin ni Herbosa na nakikipag-negosasyon na ang DOH sa COVAX facility para sa panibagong dalawang milyong doses ng bivalent COVID-19 vaccines para sa bansa.

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read