Ito ay matapos umanong mabigo ang ITP Construction, Inc. at Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co. Ltd. na ayusin ang sirang rubber bladder sa Bay 5 ng Bustos Dam, isang taon lamang matapos ang rehabilitasyon nito at habang nasa ilalim pa ng warranty ang kontrata.
Nabatid na nanawagan ang Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan sa National Irrigation Administration para akuin ang responsibilidad sa pagkaantala ng pagsasaayos ng sirang rubber gate.
“Inaksiyunan na yan, kapag hindi gumalaw ang kontraktor ngayong Oktubre, kakasuhan ko na sila… matagal nang isyu ‘yan na hindi maresolba,” pahayag ni NIA Administrator Benny Antiporda sa panayam ng People’s Tonight Online.
Mariing sinabi ni Adm. Antiporda, na “sa pamunuan ng inyong lingkod ay wala tayong palalagpasing bagay na magpapahamak sa ating mga kababayan.”
Kinatatakutan ng Bulacan Government na libu-libong buhay ang posibleng mabuwis at nasa 15,706 ektaryang taniman ng palay at gulay ng 12,904 magsasaka ang masisira, at tinatayang ang pinsala ay aabot sa P880,964,445 hanggang P2,690,255,147 sa sektor ng agrikultura. Aabot naman sa 80 barangay mula sa dalawang lalawigan ang maaapektuhan ng pinsala sakaling tuluyang bumigay ang Bustos Dam.
Mula noong Hulyo 2020 nang masira ang rubber bladder ay hindi umano pinapansin ng mga kontratista ang hindi mabilang na follow-up at demand letter na ipinadala sa kanila ng National Irrigation Administration (NIA) sa pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Nabatid na nagbigay din ng 10 days ultimatum si Bulacan Governor Daniel Fernando sa mga kontratista ng nasirang rubber bladder ng Bustos Dam upang aksyunan ang kanyang demand letter at kung hindi ay sasampahan niya ang mga ito ng kasong sibil at kriminal.
“We must act now. We demand the immediate removal and replacement of all six gates under the contract for Bustos Dam. Kapag hindi, I will not hesitate to file civil and criminal cases sa lahat ng sangkot sa usaping ito,” ayon sa gobernador
Magugunitang noong Hunyo 2020 ay bumigay ang rubber gate sa Bay 5 ng Bustos Dam na hinihinalang dahil sa mababang kalidad ng mga materyales na ginamit ng mga kontratista sa rehabilitasyon ng nasabing dam. Dito rin napatunayan umano na ang mga ginamit na materyales ay pawang mga depektibo.
Bigong makuhanan ng pahayag ang sinasabing kontraktor. (VICTOR BALDEMOR)