Sina BOC Commissioner Ariel Nepomuceno at Finance Sec. Frederick D. Go

DELIVERY NG LAHAT NG ABANDONADONG KAHON SA PORTS OF MANILA AT DAVAO, TAPOS NA; 25,818 BALIKBAYAN BOXES, NAIHATID SA BUONG BANSA

By: Jerry S. Tan

Inihayag ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Customs (BOC) ang malaking progreso sa paghahatid ng mga abandonadong ‘Balikbayan Boxes’ sa isinagawang distribusyon sa Port of Cebu nitong Marso 24, 2026.

Natapos na umano ang delivery ng lahat ng kahong naabandona at iniwan ng freight forwarders sa loob ng Port of Manila at Port of Davao at umabot na sa 25,818 kahon ang naihatid sa buong bansa hanggang Marso 23, 2026. Ang operasyon ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na pabilisin ang pag-release at paghatid ng mga padalang iniwan ng mga freight forwarder sa iba’t ibang pantalan.


Sa mensahe ni Finance Secretary Frederick D. Go, binigyang-diin niito na hindi dapat pabayaan ang mga OFW na nagsisikap para sa kanilang pamilya.

“Patuloy ang Bureau of Customs at ang Department of Finance, kasama ang DMW, sa pagtulong para maibalik ang mga abandoned boxes sa mga pamilya. Hindi natin hahayaan na maloko ang ating mga OFW. Sisiguraduhin ng gobyerno na protektado ang kanilang pinaghirapang padala,” saad ni Secretary Go.

Aniya, tungkulin ng pamahalaan na matiyak na makarating ang bawat kahon sa mga benepisyaryo, at dapat managot ang mga nang-abuso sa OFWs. Dagdag pa niya, nagpapatuloy ang koordinasyon ng mga ahensya upang mapabilis ang delivery ng mga kahon.


Samantala, sinabi ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno na inuuna ng BOC ang mabilis na pagdadala ng natitirang mga kahon. Inihayag niyang ang pagkumpleto sa deliveries sa Manila at Davao Ports ay mahalagang tagumpay at nagpapakita na gumagalaw nang tama ang malawakang operasyon. Tiniyak din niyang tutok ang BOC sa MICP at Port of Cebu upang matapos ang lahat ng natitirang deliveries.

Napag-alaman naman kay BOC spokesperson Atty. Chris Noel Bendijo na batay sa pinakahuling datos, 13,842 kahon ang naideliver sa Cebu, 8,475 sa MICP, 2,699 sa Subic, 732 sa Davao, at 70 sa Port of Manila. May natitira pang 15,084 kahon na nakatakdang ihatid, karamihan mula sa MICP (14,487) at ang ilan ay sa Cebu (498).




Ani Bendijo, ang distribusyon sa Cebu ngayong Martes ang nagsilbing huling yugto sa paghahatid ng mga natitirang Balikbayan Box na dumaan at naabandona sa Port of Cebu. Pinangunahan nina Secretary Go at Commissioner Nepomuceno ang pamamahagi sa 30 OFWs at kanilang mga pamilya.

Ayon pa kay Bendijo, maraming pamilya ang nakaramdam ng ginhawa matapos sa wakas ay matanggap ang kanilang mga padala. Tiniyak ng DOF at BOC na tuloy-tuloy ang distribusyon at mahigpit na imo-monitor ang natitirang deliveries. Pinayuhan din nila ang publiko, lalo na ang mga OFW, na gumamit lamang ng lehitimong freight forwarding companies upang maiwasan ang ganitong problema sa hinaharap.


Nangako ang pamahalaan na hindi titigil hanggang maihatid ang lahat ng natitirang Balikbayan Box sa mga OFWs at kanilang mga pamilya.

Tags: BOC Commissioner Ariel Nepomuceno

You May Also Like