By: JANTZEN ALVIN
Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na umarangkada na ang delivery ng huling batch ng mga official ballots na gagamitin sa National Capital Region (NCR) para sa May 12 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Garcia, aabot sa 7.5 milyon ang mga balota na idi-distribute sa Metro Manila.
“Ngayon naman sisimulan natin ang buong NCR, 7.5 million na balota ito,” aniya.
Kabilang sa mga unang dinalhan ng mga balota nitong Martes ay ang Caloocan, Marikina, Pasig, Valenzuela, Quezon City, Malabon, Navotas, at San Juan City.
Ang shipping naman ng mga balota para sa Muntinlupa, Pateros, Taguig, Manila, Makati, Pasay, Las Piñas, Mandaluyong, at Parañaque ay sisimulan bukas, Miyerkules, Mayo 7.
Ihahatid aniya ang mga official ballots sa treasurer’s office ng bawat lungsod.
Ang pamamahagi naman ng balota sa mga voting precincts ay isasagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng electoral board members at sisimulan sa Linggo, Mayo 11, hanggang sa umaga ng araw ng halalan sa Lunes.
“Mangyayari ang distribution, kalimitan ay Sunday o kaya hanggang Lunes ng maagang-maaga, madaling araw, upang dire-diretso na ang mga guro papunta sa kanilang station o precinct kung saan sila naka-assign,” anang poll chief.
Sinabi ni Garcia na una na nilang naipamahagi sa mga treasurer’s office ng mga munisipyo at siyudad ang mga balota para sa iba pang rehiyon sa bansa nitong mga nakalipas na araw.
Nasa halos 100% na rin umano ang delivery ng automated counting machines (ACMs) sa buong bansa.