Patay ang isang 33- anyos na delivery checker matapos na saksakin sa “collar bone” kamakalawa ng gabi ng kapatid ng lalaking kanyang nakasagutan sa basketball court ng Aroma ,Compound,Temporary Housing,Tondo,Maynila.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center(GABMMC),ang biktimang si Valentino Leynes, ng Unit 78 Building 30, Aroma Compound, Permanent Housing,Tondo.
Pinaghahanap naman ang mga suspek na sina Jaymar Ramos,alyas Benok,nasa hustong edad at Marino Ramos,alyas Enok,at kapwa taga-Ground floor,Bldg 30,Aroma Compound,Permanent Housing Tondo.
Sa imbestigasyon ni PSMS Niño Baladjay ng Manila Police District-homicide section, nagkasagutan ang biktima at si Benok sa hindi pa malamang kadahilanan pasado alas -11 ng gabi sa may basketball court at sa kasagsagan ng pagtatalo ay dumating si Enok at kinalawit ang biktima bago sinaksak sa ‘collar bone’ at saka mabilis na tumakas ang magkapatid.
Isinugod naman sa pagamutan ang biktima pero idineklarang patay ala-1:25 ng madaling araw.
Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang MPD laban sa magkapatid. (Jantzen Tan)