Nagpahayag ng pagka-dismaya ang ilang lider ng Simbahang Katolika sa anila’y ‘delaying tactics’ ng mga Senador na nagresulta upang mistulang maudlot ang pag-usad ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay 1987 Constitutional framer at Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Jr., ang ginawang pagbabalik ng Senado na tumatayong Impeachment Court, sa Articles of Impeachment sa House of Representatives ay malinaw na isang pagtalikod sa kanilang tungkuling litisin si Duterte, sa pamamagitan ng impeachment proceedings.
Ani Bacani, maituturing na kasabwat ang mga Senador sa patuloy na tangkang maantala at maisantabi ang paglalahad ng katotohanan mula sa mga alegasyon ng katiwalian at iba pang kaso laban sa Bise Presidente.
“The Senate in sending back the article of impeachment to the House of Representative is clearly shirking its duty to try immediately the case already forwarded to it. They are complicit in the scheme to deny or at least delay justice. Why all these delaying tactics?” pahayag pa ni Bacani.
Nadismaya din umano ang obispo sa pagpapabaya ng mga Senador sa kanilang tungkuling sinumpaan sa ilalim ng Konstitusyon.
Umaasa umano ang Obispo na mako-konsensiya ang mga Senador na bumoto upang ibalik ang Articles of Impeachment sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at maisip ng mga ito ang kapakanan ng bayan at taumbayan, sa halip na ang kanilang pansariling interest pampulitika.#
“To say the least the Senate has been sadly remiss in its Constitutional duty… Makonsensiya nawa kayong [mga Senador na] bumoto to remand the article of impeachment to the House of Representatives. Isipin ninyo ang bayan at hindi ang inyong sariling political interest,” aniya.
Dagdag pa niya, mas maituturing na mga ‘Senador ni Duterte,’ ang 18 mga senador na bumoto upang ibalik sa Kongreso ang impeachment complaint, sa halip na ‘Senador ng mamamayang Pilipino,’ na bumoto at naghalal sa kanila sa posisyon sa Senado.
“The senators who voted to remand to the House of Representative the article of impeachment look more like the senators of Duterte than of the Filipino people. Please publish their names repeatedly,” aniya pa.
Batay sa tala, ang 18 senador na bumoto at pumanig sa inihaing mosyon ni Sen. Alan Peter Cayetano na ibalik ang impeachment complaints ng bise presidente sa Kongreso ay sina Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, Bong Revilla, Imee Marcos, JV Ejercito, Bong Go, Loren Legarda, Robinhood Padilla, Jinggoy Estrada, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Pia Cayetano, Lito Lapid, Cynthia Villar, Mark Villar, Juan Miguel Zubiri, Raffy Tulfo, at Chiz Escudero.
Ang limang senador naman na hindi sumang-ayon sa nasabing mosyon ay sina Senators Koko Pimentel, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe, at Sherwin Gatchalian.
Samantala, naniniwala naman si Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na ang Korte Suprema, at hindi ang Kongreso, ang siyang may kapangyarihang humusga kung may legal na depekto ang impeachment complaint laban kay VP Sara.
Ayon kay Secillano, kung may nakikitang legal na pagkukulang ang ilang senador sa reklamo, dapat ay hayaan ang Korte Suprema ang magpasya ukol dito.
“If there is a legal infirmity in the impeachment complaint as alleged by some senators, they should know that matters of law is not decided by Congress but by the Supreme Court,” anang Catholic priest.
Binatikos din naman ni Fr. Secillano ang ilang senador na tila minamadali ang proseso at nagpapakita ng malinaw na manipulasyon sa impeachment proceedings.
“What some senators did is absurd. It’s obvious that they are manipulating the impeachment process,” aniya.
Binigyang-diin pa ng pari ang paalala ng CBCP na kapag ang pulitika ay ginagamit lamang para sa pansariling interes, nauuwi ito sa pagmamanipula at pang-aabuso ng kapangyarihan.
Giit pa niya, ang layunin ng impeachment ay panagutin ang mga opisyal ng pamahalaan alinsunod sa Saligang Batas.
Sa kabila nito, umaasa pa rin naman ang Simbahan na mananaig pa rin ang katotohanan, katarungan, at kapakanan ng sambayanan.














