UMAKYAT na sa siyam ang bilang ng mga nasawi sa malagim na Governor Roel Degamo slay case matapos na mapaslang ng pinagsanib na pwersa ng PNP Special Action Force, Philippine Army at PNP Region 7 ang isa sa mga suspek sa isinagawang hot pursuit operation.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Region 7 spokesperson Police Lt. Col. Gerard Ace Pelare, nasa siyam na ang bilang ng nasawi sa nangyaring pamamaril sa mismong tahanan ni Negros Oriental Governor Roel Degamo sa bayan ng Pamplona, na siyang pakay ng assassination squad na kinabibilangan ng dalawang dating sundalo ng Philippine Army.
Una rito ay kinumpirma ni Col Xerxes Trinidad taga pagsalita ng Hukbong Katihan na dalawa sa tatlong suspek sa pamamaril ay mga dating sundalo na tinanggal nila sa serbisyo dahil sa ibat ibang kaso na kanilang kinasangkutan
Nabatid na bukod sa mga napaslang ay may labing tatlo pa ang malubhang nasugatan sa insidente habang apat ang outpatients.
Samantala kasalukuyang inaalam ng binuong Special Investigation Task Group ang pangalan ng napaslang na suspek . Ayon Colonel Gerard Ace Pelare ng PNP PRO7, hanggang sa ngayon hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing suspek.
Kasalukuyang sumailalim naman sa custodial debriefing ang tatlong naarestong suspek at pagkatapos ng kanilang rebelasyon, ilang armas ang narekober ng mga awtoridad kabilang ang apat na assault rifles.
Kinilala ang mga suspek na sina Joric Labrador, 50-anyos at residente ng Cagayan de Oro City; Joven Aber, 42-anyos, residente ng La Castellana, Negros Occidental at Benjie Rodriguez, 45-anyos na taga Mindanao.
Nadakip sila sa hot pursuit ng mga awtoridad kamakalawa ng hapon sa Sitio Punong, Barangay Cansumalig sa Bayawan City Kung saan na recover din ang tatlong ginamit na getaway vehicles at mga armas na hinihinalang ginamit sa paglikida kay Gov Degamo.
Kabilang sa mga armaS ang apat na assault rifles; isang B40 RPG with 5 ammunitions, 4 Bandolier fully loaded with plates; 1 rifle case, 2 combat uniforms, 1 grey sweatshirt, 3 pairs combat shoes, isang caliber 5.56 with 6 magazines dalawang magazine ng kalibre 45 na may 9 na bala, 177 caliber 5.56 mm cartridges rocket-propelled grenade – 2 bullet proof vests
Kasalukuyang inaalam pa ng binuong SITG ang motibo sa pamamaril at kakilanlan ng mastermind sa kaso .
Tiwala ang PNP PRO 7 na marereso;ba nila ang pagpatay kay Degamo sa mga susunod na linggo.
Si Degamo ay nagsilbing gobernador ng Negros Oriental mula January 5, 2011 pero natalo sa nakaraang May 2022 elections.
Gayunpaman, napawalang-bisa ang proklamasyon ng kanyang karibal at kinatigan ng Korte Suprema ang pagkapanalo niya bilang gobernadora matapos na pumabor sa kanya ang mga boto na nakuha ng isang nuisance candidate.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na bago pa isinagawa ang pamamaslang ay inihayag ni Gov Degamo sa mga awtoridad na nakatanggap siya ng mga pagbabanta sa kanyang buhay. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)