Latest News

DEATH TOLL SANHI NG SUPER TYPHOON “KARDING,” 11 NA; ANIM, NAWAWALA

UMAKYAT na sa 11 katao ang inulat na nasawi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bunsod ng naganap na pananalasa ng super typhoon ‘Karding’ sa Pilipinas.

Ayon sa NDRRMC, nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng Bagyong Karding mula sa kanilang datos kahapon .

Sa nasabing bilang, anim ang mula sa Bulacan na ang sanhi ay pagkalunod, kabilang dito ang limang rescue team members, isa sa Zambales na dahil din sa pagkalunod at isa sa Bordeos, Quezon dahil naman sa landslide.


Kasalukuyan namang bina-validate ng NDRRMC ang sanhi ng pagkamatay ng tatlong indibidwal kung ito ba ay dahil sa bagyo.

Ang mga ito ay mula sa Zambales, at Antipolo at Tanay, kapwa sa Rizal.


Samantala, may anim na inulat na ‘missing’ at patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad Isa ay mula sa Antipolo, Rizal at lima naman ay mula sa Mercedes, Camarines, Norte.

Magugunitang inihayag ni NDRRMC spokesperson Raffy Alejandro kamakalawa na, “there were 10 initial deaths reported, including the five rescuers who perished in a flash flood in San Miguel, Bulacan; one individual who drowned after a dike got destroyed in Cabangan, Zambales; one more person who died in a motorcycle accident in a flooded street in San Felipe, Zambales, and; another who was buried in a landslide in Burdeos, Quezon Province.”


Sa kanilang inilabas na situational report kahapon ng umaga ay inihayag na mahigit 176,000 families o 640,000 katao ang naapektuhan ng pananalasa ni ‘Karding’ sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Mimaropa at Cordillera Administrative Region, habang nanatili naman sa mga evacuation centers ang may 6,435 families or 25,177 individuals.

Ang ‘estimated cost of damage’ sa agrikultura ay pinangangambahang lumagpas pa sa naunang ulat na P1.29 billion, habang nasa P23.45 million naman ang sa imprastraktura. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)

You May Also Like

Most Read