PATULOY pa ring lumalaki ang bilang ng mga nasawi bunsod ng umiiral na low pressure area at shearline sa bahagi ng Visayas at Mindanao maging sa Southern Luzon.
Sa latest situation report na ibinahagi ng National Disaster Risk Reduction Management Council kahapon ng umaga ay umakyat na sa 43 ang bilang ng nasawi bunsod ng nararanasang sama ng panahon sa bansa simula pa nung New Year’s Day.
Ayon sa NDRRMC, 13 ang naitalang nasawi sa Bicol; 12 sa Zamboanga; walo sa Northern Mindanao; pito sa Eastern Visayas at tag-iisa sa MIMAROPA, Davao at SOCCSKSARGEN.
Sa nasabing bilang, 20 pa lamang ang kumpirmado habang sumasailalim pa sa validation ang iba pa.
Walo naman ang napaulat na nawawala habang 11 ang reported injured.
Sa kabuuan, nasa 2,043,686 na indibidwal o 497,015 na pamilya na ang naapektuhan ng low pressure area, shear line at Amihan sa 13 rehiyon sa bansa.
Umabot na rin sa higit P1 bilyon ang danyos sa sektor ng agrikultura; higit 500-milyong piso sa imprastraktura at higit 25.6 million pesos sa irigasyon. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)