PINALAWIG ng Supreme Court (SC) ang deadline sa pagsusumite ng aplikasyon para sa gaganaping 2022 Bar Examinations.
Sa inilabas ng Bar Bulletin No. 4 series of 2022, itinakda na ang deadline para makapagsumite ang mga law students ng aplikasyon sa pagsusulit sa Agosto 15.
Unang tumanggap ang SC ng aplikasyon nitong Hunyo 13 at orihinal na magtatapos sana sa Hulyo 15.
Ikinatwiran ng SC na dahil sa pagkakaiba-iba ng academic calendars ng mga paaralan, may ilang law schools ang magsasara ng kanilang academic year na mas huli kumpara sa iba at mahuhuli rin sa unang itinakdang deadline.
“In order to give all interested law graduates ample time to prepare and submit their documentary requirements, while still ensuring that the different offices of the Supreme Court will have enough time to process and verify the adequacy of the applications to be received, the application period is hereby extended,” ayon sa bulletin. (Carl Angelo)














