Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) sa Setyembre 25 2024 ang deadline para sa online filing ng aplikasyon para sa reactivation ng deactivated voters para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Batay sa Comelec en banc Resolution No. 10963-A, na na-promulgate noong Lunes, na ang deadline para sa aplikasyon ay pinalawig sa Setyembre 25, mula sa dating Setyembre 7 lamang.
Layunin umano nitong mabigyan pa ng sapat na panahon ang mga deactivated voters upang makapag-reactivate ng rehistro at makaboto sa halalan, sa pamamagitan ng pagtungo nang personal sa tanggapan ng Comelec.
Batay sa pinakahuling datos ng Comelec hanggang noong Setyembre 11, ang deactivated voters para sa midterm polls ay nasa 5,376,630 na.
Dini-deactivate ng Comelec ang rehistro ng mga botante sa iba’t- ibang kadahilanan, kabilang na ang pagkabigong makaboto sa dalawang magkasunod na eleksiyon.
Ayon naman sa Comelec, maaaring mag-apply ng reactivation online ang mga naturang deactivated voters, basta’t kumpleto sila ng biometrics sa local Comelec office kung saan sila rehistrado.
Napag-alaman na ang iba’t- ibang uri ng application for reactivation na available online ay ang Application for Reactivation; Application for Reactivation with Transfer of Registration within or with Correction of Entries; Application for Reactivation with Transfer of Registration within and with Correction of Entries; at para sa mga Senior Citizens and Persons with Disability (PWDs), available ang Application for Reactivation with Updating of Records.
Ang mga nais na mag-apply ng reactivation online ay maaaring makipag-ugnayan sa pamamagitan ng opisyal na email address ng Offices of Election Officer sa buong bansa, na maaaring makita sa official website ng Comelec.
Kaugnay nito, hinikayat ng Comelec ang mga deactivated voters na samantalahin ang pagkakataon upang makapagpa-reactivate ng rehistro.
“We highly encourage all deactivated Filipino voters to take this opportunity and reactivate your voter registration record online until September 25, 2024,” anang Comelec.
Sa datos ng Comelec, mayroon nang 6,131,834 bagong botante para sa midterm polls.
Samantala ay nakatakda na ring magtapos ang voter registration sa bansa sa Setyembre 30, 2024.














