Arestado ang isang lalaking Amerikanong pasahero matapos masabat ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ang tinatayang P17.46 milyong halaga ng marijuana kush na nakatago sa kanyang mga bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Oktubre 29, 2026.
Dumating ang pasahero mula sa Bangkok, Thailand, dala ang dalawang bagahe na naglalaman ng mga pakete ng pagkain kung saan nakatago ang pinaghihinalaang ilegal na droga.
Nadiskubre ang kontrabando matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe ang dalawang checked-in luggage sa X-ray screening. Isinailalim ang mga ito sa K9 inspection, kung saan nagbigay ng positibong indikasyon ang drug-sniffing dog sa posibleng presensya ng ilegal na droga. Dahil dito, agad na nagsagawa ng masusing pisikal na inspeksyon ang mga Customs personnel.
Sa isinagawang inspeksyon, natagpuan ang 15 vacuum-sealed packages ng pinaghihinalaang marijuana kush na nakatago sa mga pakete ng pagkain. Mula sa unang bagahe, nakuha ang limang pakete na may kabuuang timbang na 5,122 gramo at tinatayang halagang P5.12 milyon. Sa ikalawang bagahe naman, natagpuan ang 10 pakete na tumitimbang ng 12,342 gramo at nagkakahalaga ng P12.34 milyon.
Kasunod nito, inaresto ang Amerikanong pasahero dahil sa umano’y ilegal na pagpasok ng ipinagbabawal na droga sa bansa.
Tatlong araw bago ang nasabing operasyon, noong Oktubre 26, 2026, nakasabat din ang BOC, PDEA, at NAIA-IADITG ng 7,335 gramo ng pinaghihinalaang marijuana kush na nagkakahalaga ng P7.33 milyon mula sa mga naiwang bagahe sa NAIA Terminal 3. Galing din sa Bangkok, Thailand ang mga naturang bagahe, kung saan natagpuan ang pinaghihinalaang ilegal na droga na nakatago sa mga aluminum food pouch at selyadong transparent plastic bag.
Ang mga nakumpiskang kontrabando ay agad namang ipinasa sa PDEA para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng nararapat na kaso.
Sa loob lamang ng apat na araw, umabot sa 24.8 kilo ng pinaghihinalaang marijuana kush na nagkakahalaga ng ?24.79 milyon ang kabuuang nasabat sa dalawang magkahiwalay na operasyon.
Ayon kay BOC-NAIA District Collector Yasmin M. Obillos-Mapa, naging posible ang magkasunod na pagkakasabat dahil sa mahigpit na pagbabantay ng Customs personnel at mabilis na koordinasyon sa mga katuwang na ahensya upang mapalakas ang seguridad sa paliparan.
“Patuloy nating paiigtingin ang inspeksyon at pagbabantay sa ating paliparan. Sa tulong ng ating mga katuwang na ahensya, sisiguraduhin nating mahaharang ang mga ilegal na droga at mapapanagot ang mga nasa likod nito,” ani District Collector Obillos-Mapa.
Pinuri naman ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang mga tauhan ng BOC, PDEA, at NAIA-IADITG sa kanilang mabilis at magkakatuwang na pagkilos. Binigyang-diin niya na mahalagang mapanatili ang mahigpit na pagbabantay at koordinasyon upang mapigilan ang mga pagtatangkang magpasok ng ilegal na droga sa bansa.
“Hindi natatapos sa isang matagumpay na operasyon ang laban natin kontra ilegal na droga. Tuloy-tuloy ang ating pagbabantay, at sa bawat pagtatangkang magpuslit, nakahanda ang ating mga tauhan at mga katuwang na ahensya na kumilos. Saludo ako sa ating Customs personnel sa NAIA at sa lahat ng ating law enforcement partners. Patuloy tayong magtutulungan para matiyak na ligtas ang ating mga paliparan at mapanagot ang sinumang lalabag sa batas,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno.
Alinsunod sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy na pinapalakas ng BOC ang mga inspeksyon, pagbabahagi ng intelligence information, pakikipag-tulungan sa iba pang law enforcement agencies. Pinalalakas din nito ang seguridad sa mga hangganan ng bansa upang mapigilan ang pagpupuslit ng ilegal na droga habang tinitiyak ang maayos at mabilis na pagbiyahe ng mga lehitimong pasahero at pagdaloy ng mga kalakal.














