Latest News

DAWLAH ISLAMIYA, TODAS SA ENGKWENTRO NG MILITAR

By: Victor Baldemor Ruiz

DEAD-on-the-spot ang isang miyembro ng Dawlah Islamiya- Hassan Group makaraang maka-engkwentro nito ang tropa ng kasundaluhan sa Maguindanao del Sur.

Kinilala ni Lt. Col. Ronaldo Mamangun, pinuno ng 40th Infantry (Magiting) Battalion, ang nasawi na si Mermo Mling na kasapi ng nasabing grupo.


Matapos ang engkuwenro ay nabawi ng mga sundalo ang mga kagamitang pandigma kagaya ng mga sumusunod: isang M14, isang M79, isang SMG Cal .45, dalawang Improvised Explosive Device (IED), mga magazine, isang unit ng Baofeng Radio, dalawang keypad cellphone at iba pang mga personal na gamit ng mga kalaban.

Ayon kay Brigadier General Oriel Pangcog, Brigade Commander ng 601st Brigade, sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng kasundaluhan ng 40IB at iba pang mga operating units sa ilalim ng Joint Task Force Central sa Sitio Mayan, Brgy Labu Labu II, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur alas-6:28 ng umaga.

“Mabilis ang reinforcement ng ating mga operating units kaya agad na binantayan ang mga posibleng lagusan ng mga kalaban, dahilan ng mga panaka-nakang engkwentro”, wika ni Brig. Gen. Pangcog.


Pasado alas-7 ng umaga naman nang makasagupa ng Charlie Company ng 40IB ang limang miyembro ng teroristang grupo sa Barangay Poblacion, sa bayan ng Ampatuan.

Batay sa ulat, ang mga teroristang grupo ay pinamumunuan ni Nasser Guinaed.


Sa isinagawang pagsisiyasat sa lugar, natagpuan ng tropa ng militar ang katawan ng nasabing nasawing terorista na iniwan na lamang ng kanyang mga kasamahan. Kalaunan ay nakilala nga na ito si Mermo Mling.

Pinuri ni Major General Alex S. Rillera, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang tropa ng 40IB at mga operating units ng JTFC sa pagsugpo sa mga teroristang grupo.


“Ang inyong kasundaluhan ay palaging nakabantay upang ang ating mga mamamayan at mga inosenteng sibilyan ay maprotektahan laban sa mga karahasan na gawa ng mga teroristang grupo,” aniya.

 



Tags: Dawlah Islamiya - Hassan Group

You May Also Like