DAULAH ISLAMIYAH BUS BOMBER PATAY SA ENGKWENTRO, 1 PA ARESTADO

PINANINIWALAANG na-neutralize ng pinagsanib na puwersa ng military at pulis ang kasapi ng Daulah Islamiyah terrorist group na responsable sa pagpapasabog ng ilang passenger bus sa area ng Cotabato at Maguindanao sa isinagawang law enforcement operation kamakalawa ng umaga sa Purok 7, Barangay Dunguan, Mlang, Cotabato.

Sa ulat ng Western Mindanao Command, patay ang isang terorista at nahuli ang kanyang kasama sa naganap na sagupaan sa pagitan ng mga tauhan ng pamahalaan at hindi pa tiyak na bilang ng Daulah Islamiya.


Nakilala ang nasawi na si Monir Lintukan at ang nahuli ay si Randy Saro alyas Bobong, miyembro ng Dawlah Islamiyah Maguindanao group.

Ayon kay 602nd Brigade commander Colonel Jovencio Gonzales na nagsagawa sila ng law enforcement operation katuwang ang tropa ng 90th Infantry Battalion, 34th IB, Ist Scout Ranger Battalion, 4 JSOU at PRO-12 laban sa mga terorista.

Target ng operation ang mga kasapi ng teroristang grupo na nasa likod ng bombing incidents sa Parang, Maguindanao; Koronadal City, South Cotabato, at Tacurong City, Sultan Kudarat.


Subalit bago pa magsimula ang law enforcement operation ay sinalubong na agad ang tropa ng pamahalaan ng sunod sunod na putok mula sa hanay ng DI Maguindanao Group na pinamumunuan ni Almoben Camen Sebod, a.k.a. Polok, full-time member ng grupo na direktang sangkot sa extortion and scam activities at Omal Kamsa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Tumagal ng 30 minuto ang engkwentro sa magkabilang panig dahilan ng paglikas ng ilang sibilyan.


Umatras ang mga rebelde papasok ng Liguasan Delta sa direksyon ng Maguindanao.

Narekober ang bangkay ni Lintukan at nahuli si Saro ng mga sundalo kasama ang mga pulis.


Nakuha sa posisyon ni Lintukan ang isang M16 armalite rifle, bandolier, mga bala, magasin at isang improvised explosive device (IED).

Sinabi ni Col Gonzales na ang nasabing grupo ay sangkot sa pangingikil, panloloko, pambobomba sa bus sa Aleosan, Cotabato at Parang, Maguindanao.

Sangkot rin sila sa bus bombing sa Koronadal City at nangyaring pagsabog sa Tacurong City.



Pinuri ni 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central acting commander B/Gen. Eduardo Gubat ang operating troops sa matagumpay na operasyon at hindi sila titigil sa pagtugis sa mga terorista.

“Team WestMinCom and our partners from the police and other security forces are always on the job. We are maximizing our joint efforts to eliminate the menaces of society,” pahayag naman ni Lt. Gen. Alfredo Rosario, Commander of Western Mindanao Commands. (Victor Baldemor)

Tags: Daulah Islamiyah terrorist group

You May Also Like

Most Read

Latest News