By JANTZEN ALVIN
Kasunod ng pamamaslang sa election officer at sa kanyang asawa, inirekomenda na ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na maisailalim sa kontrol ng poll body ang bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte .
Kinumpirma ni Garcia na ang kanilang election officer sa naturang lugar na si Atty. Maceda Abo at ang kanyang asawang si Jojo Abo, ay tinambangan at pinagbabaril dakong alas-8:20 ng umaga nitong Miyerkules habang lulan ng kanilang sasakyan at binabaybay ang Cotabato-Sharrif Aguak Road sa Barangay Makir.
“Isang napakalungkot na nangyari ang pagpaslang sa aming election officer sa Datu Odin Sinsuat, si Mrs. Maceda Lidasan-Abo na kasama ang kaniyang asawa na nagda-drive ng sasakyan. Sila po ay tinambangan kani-kanina lamang ngayong umaga. Kaya ako mismo ay magre-recommend sa Commission en banc na ang Datu Odin Sinsuat ay ilagay sa Comelec control,” ani Garcia.
Dagdag pa niya, hindi ito ang unang pagkakataong may nangyaring karahasan sa naturang lugar dahil may ilang karahasan na ring nangyari nitong mga nakaraang linggo at buwan doon.
“Kasi may mga ilan nang karahasan ang nangyari nitong mga nakaraang linggo at buwan diyan sa lugar na ‘yan kaya nararapat lang na mailagay sa Comelec control,” dagdag pa ng poll chief.
Aniya, nang magtungo sila sa lugar noong Marso 18, 2025 ay may dalawa na ring nasawi sa naturang lugar, kabilang ang isang abogado ng isang kandidato at kanyang fiancée.
“Ngayon naman, election officer namin at ang kanyang asawa. Siguro naman, kahit sino ang tumimbang nito, nararapat lang na ilagay sa Comelec control ang area na yan,” aniya pa.
“Sinasabi namin, huwag na huwag pong sasaktan at tatakutin ang mga empleyado ng Comelec at ang mga botante dahil hindi po papayag ang Comelec sa ganyang bagay,” pagbibigay-diin pa ni Garcia.