CAMP CAPINPIN, Rizal – Naka-recover ng mataas na kalibre ng armas ang mga kasundaluhan matapos ituro ng isang dating NPA ang kinaroroonan nito sa Occidental Mindoro.
Agad na tinungo ng mga kasundaluhan ng 68th Infantry “Kaagapay” Battalion ang kinaroroonan ng armas matapos ituro ito ni alyas ‘Samjay’, na dating miyembro ng Special Partisan Unit o SPARU ng New People’s Army.
Isang M16 rifle, dalawang short magazine at isang long magazine at mga bala ang nakuha ng mga kasundaluhan sa bisinidad ng Sitio New Island, Malisbong, Sablayan.
Ayon kay alyas Samjay, iniwan sa kanya ang armas ng isang alyas Paulo na napaulat na kasama sa mga armadong indibidwal na sumakay sa isang pump-boats na dumaong sa bisinidad ng Sitio Wawa, Brgy. San Nicolas, Sablayan, Occidental Mindoro at kalaunay papuntang Mompong River at Brgy Batong-buhay.
Napag-alaman naman kay 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division Commander Maj. Gen. Roberto Capulong na ang tagumpay na ito ay dahil sa ginagawang peace efforts ng mga kasundaluhan kasama ang mga pamahalaang- lokal at key stakeholders.
Patuloy aniya nilang palalakasin ang kanilang operasyon sa buong Mindoro para sa pagbibigay- seguridad sa mga komunidad at upang mapigilan ang anumang iligal na gawain ng mga armadong rebelde.