Latest News

DASAL, PANAWAGAN NG CBCP PARA SA MGA PINOY SA TAIWAN

By: Carl Angelo

Ipagdasal ang kaligtasan ng mga Filipino na nasa Taiwan.

Ito ang ipinanawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kasunod ng 7.2 magnitude na lindol na tumama sa Taiwan nitong Abril 3.

Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Migrants’ and Itinerant People Vice Chairman Antipolo Bishop Ruperto Santos, nakikisimpatiya sila sa mga biktima ng lindol lalo na sa mahigit 100,000 Filipino migrants na naroon.


“We are also worried about their wellbeing and welfare. We are one and united with them, especially with Filipino migrants,” ani Bishop Santos.

Naiulat na naganap ang paglindol alas-8 ng umaga, kung saan naitala ng earthquake monitoring agency ng Taiwan ang 7.2 magnitude habang naitala naman ito ng U.S. Geological Survey sa 7.4.


Ayon sa pag-aaral, ang Taiwan ay nakapaloob sa Pacific “Ring of Fire,” na matatagpuan ang seismic faults na nakapaligid sa Pacific Ocean kung saan nangyayari ang pinakamalalakas na pagyanig.

Ang nasabing pagyanig ay naramdaman sa ilan pang lugar tulad ng Shanghai at Fujian province ng China, ilang lugar sa Japan gayundin sa hilagang bahagi ng Pilipinas partikular sa Batanes, Cagayan, Ilocos Norte at Isabela.


Napag-alaman na huling niyanig ng malakas na lindol ang Hualien county noong 2018 habang naitala ang itinuturing na deadliest quake noong September 21, 1999 na umabot sa 7.7 magnitude, kung saan mahigit 2, 000 indibidwal ang nasawi, 100,000 ang nasugatan at libu-libong gusali ang napinsala.

Iniutos ni Bishop Santos sa mga Filipino chaplains ang pag-aalay ng mga misa para sa natatanging intensyon sa kahinahunan at kaligtasan ng mga biktima ng lindol.

Tags: Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)

You May Also Like

Most Read