LIBO-LIBONG magsasaka ang magkakaroon ng siguradong pagmamay-ari ng lupa sa taong 2025 habang pinapalakas ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pamamahagi ng 396,430 electronic titles (e-titles), na sasaklaw sa 400,000 ektarya ng lupa sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.
Ang pahayag ay ginawa sa CY 2024 SPLIT Project National Assessment at CY 2025 Direction-Setting Conference na ginanap noong Pebrero 10-14, 2025, sa Luxent Hotel, Quezon City.
Sa pangunguna ni Secretary Conrado Estrella III, iniulat ng DAR ang mga naging tagumpay ng Project SPLIT hanggang Disyembre 31, 2024: 1,322,379 ektarya ng lupa na na-validate sa field, 312,421 ektarya ng lupa ang redocumented at 174,111 ektarya ng lupa na nairehistro at naipamahagi sa mga ARB.
Para sa taong 2025, itinakda ng DAR ang layuning makapagtala at makapamahagi ng 396,430 e-titles, na sasaklaw sa humigit-kumulang 400,000 ektarya ng lupang agrikultural sa buong bansa.
Samantala, pinalawig naman ng World Bank ang suporta para sa inisyatibo ng DAR sa Repormang Agraryo.
Kamakailan lamang ay pinalawig WB ang pautang nito para sa pagpapatitulo ng lupa upang mapanatili ang Project SPLIT. Matapos ang muling pagsasaayos ng proyekto noong Disyembre 2024, pinalawig ng World Bank ang pagtatapos ng proyekto hanggang Disyembre 31, 2027.
Ang ekstensyong ito ay nagbibigay ng katatagang pinansyal sa Project SPLIT, na tinitiyak na matatanggap ng mga magsasaka ang kanilang titulo nang walang pagkaantala habang pinapayagan ang DAR na ayusin ang mga proseso nito upang maging mas episyente.
Ang karagdagang oras at pondo ay makatutulong na palakasin ang on-ground validation, redocumentation at mga pagsusumikap sa pagpaparehistro ng mga lupa, upang matiyak ang maayos na paglipat mula sa kolektibong pagmamay-ari patungo sa indibidwal na pagmamay-ari ng lupa.
Ang suportang pinansyal na ito ay nagpapatibay sa pangako ng gobyerno sa repormang agraryo at pag-unlad sa kanayunan, na tinitiyak ang patuloy na pagpopondo at tulong teknikal para sa pagpapatupad nito.
Ang Project SPLIT ay isang flagship initiative ng DAR na naglalayong pabilisin ang paghahati-hati ng mga collective Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) tungo sa indibidwal na mga titulo.
Ayon sa DAR, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling titulo, ang mga ARB ay magkakaroon ng mas madaling access sa mga programa ng gobyerno, tulong pinansyal at mas matibay na seguridad sa kanilang lupa. Bagamat may mga hamon sa implementasyon, nakahanda na ang DAR na tugunan ang mga ito sa pamamagitan ng mabisang estratehiya at mas pinahusay na proseso.
Sa pamamagitan ng matibay na plano ng aksyon at suportang internasyonal, tiwala ang DAR na maaabot nito ang target para sa 2025, patuloy na pinagtitibay ang pangako nito sa katarungang agraryo at pagpapaunlad ng kanayunan.V RUIZ














