Danish national, patay nang inatake sa hotel

By: Baby Cuevas

Namatay noon din ang isang 64-anyos na Danish national, matapos na atakihin sa puso sa loob ng tinutuluyang hotel, kamakalawa ng umaga sa Ermita, Maynila.

Hindi na naisalba ng mga doktor sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang si Jan Raun Johansen, nanunuluyan sa Room 107 ng Eurotel na matatagpuan sa may 616 Pedro Gil St. Ermita, Maynila.


Sa imbestigasyon ng Manila Police District -homicide section, sinabi ng kinakasama ng biktima na si Eleanor Petersen, 65, ng Raymundo Street, San Andres Bukid na natutulog sila dakong alas- 5 ng umaga ng biktima nang may marinig siyang kalabog, dahilan para siya magising.

Nakita niya ang biktima na nakalupasay sa may side table kaya’t kaagad siyang humingi ng tulong sa mga staff ng hotel para madala sa pagamutan ang biktima.

Kaagad na isinakay ng van ng hotel staff ang biktima pero alas- 6:11 ng umaga nang ideklara itong patay.


Ayon kay Petersen, umiinom ng gamot sa hypertension ang biktima at posibleng inatake ito habang natutulog sa hotel.


Tags: Manila Police District-homicide section

You May Also Like