Arestado ng mga tauhan ng Manila Police District -Police Station 11 ,ang Top 1 at Top 2 na ‘Most Wanted Person (MWP)’ sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa Tondo at Binondo sa Maynila nitong Linggo.
Ang dalawa ay nadakip sa pinalakas na pakikipag-ugnayan sa komunidad at pinaigting na ‘Oplan Pagtugis’ sa mga pinaghahanap ng batas sa ilalim ng direktiba ni NCRPO-Regional Director PBGen. Anthony Aberin.
Sila ay nakilalang sina Jovy Valencia,35 ,repacker, ng Beradero St. Binondo at alyas Rafael Isla, Jr., 21, ng Interior 9, Ma. Guison Street, Tondo, Maynila.
Si Valencia na tinaguriang “Station Level” Top MWP.sa talaan ng MPD-PS11 ay naaresto sa kanto ng Lavezares at Peñarubia Streets sa Binondo sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ng Manila RCT Branch 32 at may petsang Marso 25 ,2025 para sa kasong frustrated murder.
Nag-ugat ang kaso sa mainitang pagtatalo ni Valencia at kanyang bayaw kung saan pinalo niya ng baseball bat ang ulo noong 2023.
Si Isla Jr. naman na nasa Top 2 MWP sa talaan ng MPD-PS11 ay naaresto sa kahabaan ng Yuseco Street, Barangay 160, Tondo, sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ng Manila RTC Branch 43, na may petsang Marso 19 2025 para sa kasong acts of lasciviousness in relation to RA 7610 as amended by RA 11648.
Ang dalawang suspek ay naka-detine sa MPD-PS 11 sa Binondo Maynila.














