Ni Itchie G. Cabayan
DALAWANG security guard ang arestado ng Manila Police District (MPD) Tourist Police matapos na saktan diumano ang isang teenager na tumangging magpasaway sa pagbibisekleta, kamakalawa ng gabi sa bisinidad ng Riverside Plaza Mexico Esplanade, Intramuros, Maynila.
Dinala sa tanggapan ng pulisya ang mga suspek na sina Gilbert Mendez, 38 at Nilo Anub, 28, kapwa ng JSL Security Agency, matapos ireklamo ng pananakit ng biktimang 17-anyos, ng Tondo, Maynila.
Lumitaw sa imbestigasyon na naganap ang insidente alas-9:05 ng gabi nang pagbawalan ng mga susupect ang mga biktima na magbisikleta sa lugar.
Nagbibisikleta umano sa lugar ang biktima nang parahin ng mga suspek at sawayin dahil bawal umano ang magbisekleta doon. Tumangging sumunod ang biktima kaya siya ay hinabol at nang abutan ay sinaktan umano ito ng mga suspek.
Sinamahan ang biktima ng mga kaanak para magreklamo sa pulisya at batay sa reklamo ay dinakip ang dalawang security guard.
Nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong paglabag sa R.A. 7610 (Physical Injuries) sa Manila Prosecutor’s Office.














