PATAY ang dalawang sakay ng habal-habal matapos masangkot sa road accident ang dalawang dump truck sa Tanjay, Negros Oriental.
Sa initial investigation ng Tanjay PNP Traffic Management Unit , nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng isang dump truck at nabangga nito ang sinusundan na mini dump truck.
Dahil sa lakas ng impact, naitulak nito nang todo ang mini dump truck sa kanyang harapan kaya bumilis ang takbo nito at nahagip naman ang kasalubong na habal-habal sa kabilang lane .
Tumagilid din ang isa sa mga truck at nadaganan ang dalawang biktima na naging sanhi ng kanilang dagliang kamatayan.
Bukod sa dalawang nasawi, siyam na sakay ng truck ang nasugatan sa insidente.
Ayon sa ulat, pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ng Tanjay ang dalawang truck at ginagamit bilang service vehicle ng mga kawani nito.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga driver habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.














