DALAWANG tauhan ng Philippine National Police ang nasawi habang dalawa pa nilang kasamahan ang sugatan matapos silang pagtatagain at pagbabarilin habang tumutugon sa tawag ng tungkulin hinggil sa nagwawalang lalaki na armado ng itak sa Purok 4, Barangay Lacson, Calinan District, Davao City.
Sa ulat na Davao City PNP ay kinilala ang mga nasawi na sina PCMS Tito Didal Lague at PCpl. Mark Anthony Elman Corsino.
Patay din ang isa sa dalawang suspek sa cop killing na kinilalang si Benao Maanib Landas habang target ngayon ng malawakang manhunt operation ang isa pang suspek na si Rico Masacay na kumuha sa baril ni Corporal Corsino.
Kasalukuyang nilalapatan naman ng lunas ang dalawang pulis na sugatan na sina PCpl. Ken Leo Diango Gumanoy at driver ng mobile na si Donald Ombrete.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon, rumesponde ang mobile team ni Corporal Corsino sa komosyon dulot ng pagwawala ni Benao Landas na armado ng jungle bolo .
Habang pinakikiusapang umano ng mga pulis ang suspek ay bigla silang pinagtataga nito na nagresulta sa pagkamatay ni Corporal Corsino at pagkasugat ng driver ng police car si Ombrete na pinagtataga rin sa ulo.
Bukod sa suspek na si Landas ay mayroong isa pang suspek na dumating sa crime scene at kinuha ang baril ni Corporal Corsino, ang isa pang suspek na ito ay kinilala naman ng mga otoridad na si Rico Masacay na may dala-dala ring bolo.
Dumating naman ang back-up police mobile nina PCMS Lague at Pcpl. Gumanoy, subalit maging sila rin ay inatake ng mga suspek.
Nagawang namang makaganti ng putok ang mga pulis at napatay ang suspek na si Landas, subalit napuruhan din nito at napatay sa taga si PCMS Lague, habang sugatan din Cpl. Gumanoy.














