Latest News

DALAWANG PNP OFFICERS SINIBAK SA MULING PAGBUBUKAS NG BARAYUGA MURDER CASE

By: Victor Baldemor Ruiz

SINIBAK sa pwesto ang dalawang police officers kaugnay sa utos ni Philippine National Police chief General Rommel Francisco Marbil na muling buksan ang pagsisiyasat sa pagpatay kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga may apat na taon na ang nakararaan.

Sa ibinahaging impormasyon ng PNP, sina Lt. Col. Santie Mendoza at Col. Hector Grijaldo, na kapwa nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group, ay inilagay sa PNP Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) sa Camp Crame.

Magugunitang sa ginanap na House of Representatives’ quad committee hearing nitong nakalipas na linggo ay idinawit ni Mendoza si National Police Commission (NAPOLCOM) commissioner Edilberto Leonardo at dating PCSO general manager Royina Garma sa pagpatay kay Barayuga .


Si Barayuga ay dinikitan at pinagbabaril sa Barangay Highway Hills sa Mandaluyong City noong July 30, 2020 habang sakay ng isang SUV na ipinagkaloob umano ng PCSO. Nakaligtas naman sa ambush ang driver nitong si Jojo Gunao.

Inihayag ni Mendoza sa nasabing pagdinig na inatasan umano siya nina Leonardo at Garma na isakatuparan ang paglikida kay Barayuga.

Alegasyon pa ni Mendoza na si Garma ang siyang nagkaloob ng intelligence information para sa nasabing operation at pinaniwala siya na ang target ay isang high-value target na sangkot sa illegal drugs.

Samantalam si Grijaldo naman ay hepe ng Mandaluyong City Police nang maganap ang Barayuga murder. May mga alegasyon na hindi umano pinaimbestigahan nang tama ni Grijaldo ang kaso na bahagi ng kanilang cover-up.


Kinumpirma ni Col Jean Fajardo, PNP spokesperson, na ni-reassign sa PHAU sina Mendoza at Grijaldo para matiyak ang kanilang kaligtasan at masiguro na naroon sila sa panahong isinasagawa ang panibagong imbestigasyon .

Posible umanong maharap sa criminal and administrative charges ang dalawa oras na mapatunayang sila ay nagkasala.

Kamakailan ay iniutos ni General Marbil sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na muling buksan ang imbestigasyon sa Barayuga killing bunsod ng testimonya ni Mendoza sa ginanap na Quad hearing ng Kongreso.


You May Also Like

Most Read