Nadakip sa ikinasang anti-narcotics operation sa Cavite ng mga ahente ng Philippine Drugs Enforcement Agency at nahulihan din ng may P10 milyong halaga ng droga ang tatlong Nigerian nationals na itinuturing na mga high -value target.
Ang tatlo ay nahulihan ng P10 -milyong halaga ng ecstasy tablets at shabu sa ikinasang magkasunod na buy-bust operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-RO4A) at (PDEA RO) Cavite Provincial Office sa bahagi ng Barangay Molino 3 at 2 sa Bacoor City kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 in relation to Sec 26 of Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek na sina Ikechukwu D Owoh na may alyas Ik, 30, estudyante, ng Progressive 3 Village, Brgy. Molino 1, Bacoor City; Stanley Chinedu Emone, 34, Evangelist Pastor ng Magdiwang Road, Brgy. Molino sa Bacoor City, Cavite at Keneth Chukwudi Divine, 23, ng Blk 4 Lot 8 Magdiwang Road sa Brgy. Molino 2, Bacoor City, Cavite.
Base sa ulat, unang nasakote sa inilatag na buy-bust operation sina Emone at Ikechukwu sa bahagi ng Flying V gas station sa harapan ng Farmacia ni Doc sa nasabing barangay bandang alas-8:40 ng gabi nitong Biyernes.
Sa ikalawang buy-bust operation naman ay nasakote ang suspek na si Kenneth sa bahagi ng Block 4 Lot 8 sa Magdiwang Road sa Brgy. Molino 2, Bacoor City, Cavite bandang alas-11:30 ng gabi.
Sa pakikipagtulungan nina Marcial Calubaquib, team leader ng PDEA RO 4A RSET 1; Raffy Escobido , team leader ng PDEA RO4A RSET2; Brenda Polisco, team leader ng PDEA RO Cavite Provincial Office at PMSg Rollis Gonzaga, team leader ng PNP Maritime Police Station ay nakumpiska sa mga suspek ang 4,663 tableta na ecstacy na may iba’t- ibang kulay na nagkakahalaga ng P10 milyon.
Nasamsam din sa mga suspek ang ilang plastic bag na powder ecstasy, plastic bag na shabu, dalawang unit na weighing scale, Nigeria passport, tatlong cellphones,at isang Hyundai Metallic Gray na kotse na may plakang NED 1776.
Isinailalim na sa Inquest proceedings sa Office of Prosecutors’ ng Bacoor City ang mga suspek kung saan patuloy ang imbestigasyon sa pangunguna ng PDEA RO4A at PNP Cavite Provincial Office.














