Ni Itchie G. Cabayan
ILANG oras matapos makapambiktima ng babaeng rider, dalawang holdupper ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District Station 1 sa isinagawang follow-up operations kamakalawa sa Tondo, Maynila.
Ayon sa report ng MPD, ang mga arestadong suspek ay kinilalang sina Moises Alpero, alyas “Moymoy,” 26 at Marlon Cabigting, alyas “Sagiab,” 37, kapwa residente ng Barangay 123, Tondo.
Napag-alaman na ang insidente ay naganap dakong alas-3 ng umaga sa Pier 6, Road 10.
Inilahad ng biktima na nilapitan at tinutukan umano siya ng patalim ng mga suspek habang nakahinto ang kanyang motorsiklo at saka sapilitang kinuha ang kanyang cellphone at pera.
Tiniyak ng MPD ang pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa lungsod.














