SUGATAN ang dalawa sa tatlong miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa isang rider na tinangka nilang pigilan sa pagtakas nang kanilang parahin, kamakalawa ng hapon sa Natividad corner San Marcelino Street, Ermita, Maynila.
Iniwan pa at nagtatakbo pero na-korner rin ni Ric Paul David y Salonga, 37, Traffic Enforcer, Team Leader ng MTPB at taga 101 A St., Tondo, Maynila, ang suspek na si Angelo Cruz, 20 ,sorter, ng No. 649D Sulucan St., Brgy. 458, Sampaloc, Maynila at driver ng hindi nakarehistro na motorsiklo.
Habang nasugatan naman sina Leo Mabunga y Masterlero, 30;at Jeniffer Tolentino y Encarnado, 34,kapwa traffic enforcer ng MTPB nang tinangka nilang pigilan ang minamanehong motorsiklo ng suspek.
Sa imbestigasyon ni PCpl Elizardo D Reputas, Jr. ng Manila Police District -Police Station 5, naganap ang insidente alas-2:25 ng hapon sa nabanggit na lugar.
Ayon sa mga traffic enforcer, pinara umano nila ang suspek dahil dumaan ito sa ‘one way’.
Hiningi umano nila ang lisensiya ng suspek pero sa halip na ibigay ay bigla nitong pinatakbo ang kanyang motorsiklo, dahilan para atasan ni David sina Mabunga at Tolentino na pigilan ang suspek .
Sa proseso ng pagpigil ay kapwa nasugatan ang dalawa pero nagtatakbo si Cruz. Hinabol ito ni David hanggang sa makorner at iturn-over sa presinto.
Natuklasan sa presinto na walang lisensiya at hindi nakarehistro ang motorsiklo ng suspek.
Ang suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Art. 151 ng RPC (Disobedience to a Person in Authority), Art. 148 ng RPC (Direct Assault). R.A. 4136 (Driving without License) at Unregistered Motor Vehicle sa Manila Prosecutor’s Office.














