Matapos saksakin ng kaalitan nilang 16-anyos, sugatan naman ang dalawang binatiyong edad 14 at 15 anyos kahapon nang madaling araw sa kanto ng Madrid at Barcelona Streets sa Brgy 73, Tondo, Maynila.
Ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang mga biktimang sina Mario 14 at Eddie,15, kapwa taga-Tondo, Maynila habang nakatakas naman ang Children in Conflict with Law (CICL) na si ‘Jun,’ di tunay na pangalan.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas- 12:45 ng madaling araw sa nabanggit na lugar.
Kumakain umano ang mga biktima sa harap ng 7-11 nang dumating si Jun at unang sinaksak sa hita si Mario. Nakatakbo naman si Eddie pero hinabol ito ni Jun at nasaksak din sa likuran.
Nag-ugat ang pananaksak sa alitan at dati na din umanong naging magkalaban sa ‘riot’ ang mga biktima at suspek.
Patuloy na pinaghahanap ng mga pulis si Jun.














