Nasawi ang dalawang menor de edad habang nasugatan naman ang isa pa, nang sumiklabang sunog sa Mandaluyong City kamakalawa.
Habang isinusulat ito ay di pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawi sa sunog, na isang dalagita at isang batang lalaki, habang ang nasugatan naman ay kinilalang si Angelou Quintana, 22.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection, dakong alas-11:51 ng gabi nang maganap ang sunog sa isang tahanang matatagpuan sa Sunday St., Brgy. Poblacion, Mandaluyong City at ito ay mabilis na kumalat sa mga katabing tahanan na ang iba ay gawa sa light materials at binubuo ng 50 kabahayan.
Sa kasamaang-palad, hindi na umano nakalabas sa nasusunog na tahanan ang dalawang menor de edad, na kinabibilangan ng isang 16-anyos na dalagita at isang apat na taong gulang na batang lalaki.
Napag-alaman na nasa labas ng bahay ang ina ng mga nasawing bata at sila ay kasalukuyang natutulog nang maganap ang sunog.
Diumano, nahirapan umano ang mga pamatay-sunog na pumasok sa lugar dahil sa masisikip na eskinita.
Ang nasabing sunog ay umabot ng ikalawang alarma. Dakong ala-1 ng madaling araw nang maideklara itong under control at tuluyang naapula alas-2 ng madaling araw.